🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Ang Matuto sa Diyos na maging Maawain
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 18:21-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit si Pedro kay Hesus at nagtanong sa kanya, “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang isang may utang na sampung milyong piso. Dahil sa siya’y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ari-arian, upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya.
“Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka sa utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw – napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayon din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Nanonood ka ba ng drama sa telebisyon? Laging eksena sa mga drama o aksyon ang paghihiganti ng naaapi o kaya ang pagbangon mula sa pagkakasadlak sa buhay at pagbabalik sa karangyaan o kapangyarihan. Tuwang tuwang tuwa tayo kapag nagwawagi na ang bida laban sa kontrabida! Ganito nga ba ang pangaral ni Hesus? Naaayon ba ito sa Kanyang turo ng kapatawaran?
“Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.” Mt 18:21-22
B. Paghahawi
Ikinuwento ni Hesus ang talinghaga ng hari at ng tagalingkod na may utang sa kanya. Hindi makabayad ang tagalingkod sa utang nitong 10 milyong piso kaya’t nagmakaawa siya na siya’y mapatawad. Sa awa ng hari ay pinatawad siya at pinayaon siya. Sa kanyang pag-yaon ay may nakita siyang kapwa lingkod na may utang sa kanyang 500 piso. Hindi rin ito makabayad sa kanya ngunit sa halip na patawarin ay ipinakulong ito. Nang malaman ng hari ang ginawa ng lingkod ay ipinadakip siya at ipinakulong hangga’t makabayad ng utang.
C. Pagtatabas
Ilang ulit akong nakahandang magpatawad sa mga taong nakasakit sa akin? Masasabi ko bang lagi kong pinatatawad ang bawat kamalian nagawa sa akin?
D. Pagsasaayos
Sa pagpapatuloy ng pangangaral ni Hesus sa pakikipag-ugnayan ng mga tao sa isa’t isa, tinalakay sa sipi ng Ebanghelyo ngayon ang paksa ng pagpapatawad. Tayo ay inaanyayahan ni Hesus na mahalin ang kapwa kahit na sila ay nagkasala sa atin. Narinig natin ang sagot niya kay Pedro; tayo, bilang mga Kristiyano ay hinahamon na magpatawad nang paulit-ulit.
Mahabagin ang Diyos sa ating lahat. Gaano man kabigat at ilang ulit man tayong madapa sa kasalanan ay handa Siyang magpatawad sa atin. Sa katunayan, ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak na si Hesus, upang tayo ay mapatawad at maligtas. Ang hamon sa ating lahat ay magpatawad tulad Niya. Nilalaman ito mismo ng panalanging turo ni Hesus, ang Ama Namin: “Patawarin mo kami sa aming mga sala gaya ng pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin.”
Tayong lahat ay hindi perpekto. Madalas na tayo ay nagkakamali at nakakasakit ng kapwa. Ngunit malaking tuwa ang ating nararamdaman kung napapatawad tayo. Ngayong alam na natin kung gaano kahalaga ang mapatawad, nawa ay igawad din natin ang kapatawaran sa kapwa natin.
E. Pagdiriwang
May nakasakit na ba sa iyo na tila di mo mapatawad? Ano ang gagawin mong mga hakbang upang maghilom ang sugat ng iyong kalooban? Ipagdasal ang sarili at ang kapwa nating may sala sa atin.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments