🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 5:13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.
“Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Anong ginagawa mo bago pumasok sa kuwartong madilim lalo na sa gabi? Binubuksan ang ilaw hindi ba? Naranasan mo na ba na habang nasa loob ka ng kuwarto ay nawalan ng kuryente? Ano ang iyong reaksyon? Nakakatakot at nakakgulat di ba? Nagpapasalamat tayo sa liwanag dahil nakikita natin ng malinaw ang paligid at mga gawain. Hinahamon tayo ni Hesus sa Ebanghelyo ngayong linggo na maging liwanag para sa iba. Ano nga ba ang ibig sabihin niya dito?
B. Paghahawi
“Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.” Mateo 5:16
Pag-ugnay sa Ebanghelyo
Ang Ebanghelyo ngayong linggo ay pagpapatuloy ng naganap noong nakaraang linggo kung saan nilahad ni Hesus kung sino ang mapapalad o ang Beatitudes. Taglay ng Ebanghalyo ngayon ang hamon ni Hesus sa ating lahat, bilang mga alagad Niya.
C. Pagtatabas
Ikaw ba ay nagdudulot ng liwanag o kadiliman sa iba?
D. Pagsasaayos
Sa pamamagitan ng talinghaga ng “Asin ng Sanlibutan” ay binibigyang-diin ni Hesus ang Kanyang hamon sa ating maging matapat upang matupad ang Kanyang misyong sagipin ang mundo sa kasamaan.
Nais ni Hesus na maging asin at liwanag tayo ng mundo… pag-asa at tanglaw sa lahat ng naliligaw at nawawalan ng pag-asa.
Maging mapagmasid sa hirap na dinaranas ng ating kapwa at tugunan ito sa abot ng makakaya. Maging daan sa pagbabalik loob ng mga taong nawawala sa landas. Ipakita ang galak at kapayapaang dulot ng pananampalataya sa Diyos.
E. Pagdiriwang
Sa ating munting paraan, maging ilaw tayo sa mga taong nakapaligid sa atin. Ano ang maaari mong gawing kabutihan at paano magiging mabuting halimbawa para sa kanila?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Mga pagninilay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Awit at Papuri Website
コメント