top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Pebrero 12, 2023 | Ang Hamon na Isabuhay ang Kautusan


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 5:17-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.

Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.

“Narinig ninyo na noong una’y inutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyero. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.

“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo ng tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon! Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.

“Sinabi rin naman, ‘Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito’y nag-asawang muli, ang lalaking iyo’y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.”

“Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisita sa iyong pinanumpaang pangaka bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Huwag ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; o kaya’y ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y tuntungan ng kanyang mga paa. Huwag din ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, ‘Mamatay man ako,’ sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo’y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa masama ang anumang sumpang idaragdag dito.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

A. Pagmamasid

Nakakita ka na ba ng karatulang “Bawal tumawid dito”? Tatawid ka ba dito kung wala namang nakakakita o hahanap ng tamang tatawiran? O kaya, ang sabi ng iyong nanay, huwag mong ubusin ang lahat ng pagkain, kailangan magtira para sa mga kapatid; kakainin mo ba ang lahat ng pagkain kung gutom na gutom ka na? Marami tayong kautusan na gawa ng mga nakatatanda upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ng lahat. Pero alam mo ba na may mga kautusan din ang Diyos na kailngan nating sundin upang maging mabuting tao? Sa pagpapatuloy ng “Sermon sa Bundok” ni Hesus ay binibigyan Niya tayo ng mga tuntunin kung ano at bakit natin kailangan sundin ang mga utos na ito.

B. Paghahawi

“Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.” Mateo 5:20

Pag-ugnay sa Ebanghelyo

Matapos ipahayag ni Hesus ang mga “mapapalad” at hamunin ang mga disipulong maging “asin at ilaw ng mundo” ay iniimbitahan tayo na isabuhay ng husto ang mga aral at hindi tumulad sa mga taong hanggang sa bibig lamang ang kabutihan. Binibigyan tayo ngayon ni Hesus ng mga praktikal na halimbawa upang sundin ang mga utos ng Diyos.

C. Pagtatabas

Sumusunod ba ako sa mga utos ng Diyos? Ang galit ko ba sa isang tao ay naipapakita ko sa masamang paraan? May pangako o panunumpa ba ako na hindi ko natupad?

D. Pagsasaayos

Ang kadakilaan ay makikita sa maka-tao at maka-Diyos na salita at gawa.

Balikan at suriing mabuti ang mga paliwanag ni Hesus sa mga sumusunod na mga utos:

  • Paggalang sa buhay at kapwa (talata 21-22)

  • Pakikipagsundo (talata 23-26)

  • Kalinisan (talata 27-30)

  • Pananatiling sagrado ng kasal (talata 31-32)

  • pagiging totoo (talata 33-37)

Mas naging mahigpit ba si Hesus kaysa sa mga dating kautusan?

Minsan, dahil sa situwasyon natin sa buhay ay nahihirapan tayong sumunod sa mga utos ng Panginoon. Lalong lalo na siguro kung sa tingin natin ay hindi makatarungan ang nangyayari sa ating buhay. Sa sobrang galit natin ay nakakagawa tayo ng hindi kanais-nais sa ating kapwa.

Kung nais nating maging dakila sa mata ng Panginoon, tayo ay magdasal at panatilihin natin ang kalinisan ng ating loob. Mahirap man ito ay hinahamon tayo ni Hesus na mas maging matatag laban sa kasalanan. Humingi tayo ng tulong sa Kanya sa mga oras ng kahinaan at nawa ay maalala natin ang Kanyang mga turo upang mapanatili ang ating kabanalan.

E. Pagdiriwang

+ Ama, bigyan Ninyo kami ng lakas na makasunod at maipalaganap ang Iyong mga utos na nakapagpapabuti ng aming buhay. Amen.

Isipin kung paano tayo makapagtitimpi sa galit at pananalita lalo na’t alam nating makakasakit tayo ng kapwa.

Isipin kung gaano kahalaga sa atin ang pagtupad sa pangako, at ano ang bunga nito sa atin.

I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com

Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ

Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.



69 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page