top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Oct 8 | Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon

🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Pagiging Bukas-Palad ng Diyos at Kawalang Utang na Loob ng Tao


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 21:33-43


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito’y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya’y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayun din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito. Sa kahuli-huliha’y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nag-usap-usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin. Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.


“Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamang iyon?” Sumagot sila, “Lilipunin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.” Tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?


‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan.

Ginawa ito ng Panginoon, at ito’y kahanga-hanga!’


Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya nang tapat.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

May paborito ka bang laruan? Paano mo ito inaalagaan? Nililinis mo ba ito ng mabuti, itinatabi ng maayos at lubos na iniingatan? Ang iba itinatabi pa sa kanilang pagtulog ang kanilang paboritong laruan. Paano kung isang araw ay hiramin ito ng iyong matalik na kaibigan? Laban man sa iyong kalooban na ito’y ipahiram, ika’y pumayag na rin sa kundisyong ito’y iingatan. Paano kung isang araw ay makita mo itong nasa sahig, madumi at may sira? Ano ang mararamdaman mo bilang may-ari ng laruang pinakaiingat-ingatan?


‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nag-usap-usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin. Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay. Mateo 21:37-39

B. Paghahawi

Sa talinghaga ni Hesus, inakala ng may-ari ng ubasan na pagdating ng takdang panahon ay makukuha niya ang kanyang karampatang kita mula sa kanyang inalagaang ubasan. Sa kabila ng lahat ng kanyang naitulong sa kanyang mga trabahador ay pinili nilang saktan at patayin maging ang sarili niyang anak.


Sinabi ni Hesus, "Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo... Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito."


C. Pagtatabas

Ano ang maaari kong gawin upang maitama ko ang pagiging sakim sa aking kapwa noon?


D. Pagsasaayos

Sa panahon natin ngayon, hindi maiiwasan ng ilan sa ating kapwa ang paggawa ng kasakiman dulot ng pagiging makasarili. Ngunit hindi pa huli ang lahat upang ito ay maitama at baguhin. Marami tayong pwedeng gawin. Sa ating maliit na paraan, kahit na sa ating mga tahanan ay maaari tayong maging mas mapagbigay at mapagpatawad. May mga bagay ba tayong di pinagkakasunduan? Lagi nating tatandaan, ipinagkaloob pa rin sa atin ng Diyos ang Kanyang kaharian sa kabila ng ating mga kasalanan dahil ganoon Niya tayo kamahal.


E. Pagdiriwang

Isipin ang mga panahong tayo’y nagiging makasarili. Anong mga hakbang ang maaari nating gawin upang maging bukas palad sa iba tulad ng Panginoon?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________


28 views0 comments

Recent Posts

See All

ความคิดเห็น


bottom of page