top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Oct 29 | Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon

🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Dalawang “Utos ng Pag-Ibig”: Tunay na Daan sa Kaharian ng Diyos


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 22:34-40


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Seduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Nakamamangha ang paglipad ng ibon, sa pagpagaspas ng kanilang mga pakpak ay malaya silang nakatutungo sa langit! Tulad ng mga ibon ay binigyan din tayo ng mga pakpak ng Panginoon upang makalipad papunta sa Kanya. Ang kaliwang bahagi ay ang kautusang ibigin Siya ng higit sa lahat at ang kanang bahagi naman ay ang pag-ibig sa kapwa tulad ng sa sarili. Bakit nga ba mahalaga ang ibigin ang Diyos at Kapwa?


“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Mateo 22:37-39

B. Paghahawi

Nasa huling linggo si Hesus ng kanyang buhay dito sa lupa. Siya ay madalas na pinaliligiran ng kanyang mga kalabang nais na siya ay mahuli ng kanilang mga mapanlinlang na tanong. Layunin ng mga nagtatanong sa kanya ay di para maliwanagan kundi upang pasinungalingan at ipahiya si Hesus. Ngunit muli silang binigo ni Hesus.


C. Pagtatabas

Sa kabila ng mga bagay na ibinigay sa akin ng Diyos na bunga ng Kanyang pagmamahal sa akin, sa papaanong paraan ko ba ito sinusuklian?


D. Pagsasaayos

Balikan natin ang paghahalintulad natin ng pag-ibig sa Diyos at kapwa sa pakpak ng mga ibon. Walang ibong makalilipad na hindi kumpleto ang kanyang pakpak. Kung mamahalin lamang natin ang Panginoon na walang pagsasabuhay nito sa ating kapwa ay walang katuturan ang ating pagiging Kristiyano. Mananatili tayo sa lupa at hindi makararating sa Kanya.


Pinapaalala sa atin ng Panginoon na ang ating pagmamahal at pagsunod sa Kanyang mga kautusan ay may kaakibat na paggawa. Hindi sapat ang pagdarasal at pagsisimba kung hindi naman tayo magpapakita ng kabutihan sa iba. At ang sukatan… ang pagmamahal sa kapwa tulad ng sa ating sarili. Kung hindi mo nais na ikaw ay manakawan, huwag ka magnakaw. Kung di mo nais na ikaw ay saktan, huwag kang mananakit. Kung nais mong ika’y alagaan kapag ika’y may sakit, alagaan mo rin ang may sakit.


Ang sipi ng Ebanghelyo ngayon ay isang paalala na ang Diyos ang unang nagmahal sa atin. Sa mga kaaway tayo’y kanyang pinagsanggalang, sa kamangmangan tayo ay kanyang tinuruan, sa kasalanan tayo ay kanyang pinatawad. Dahil dito, nararapat lamang natin na mahalin natin Siya nang buo nating puso, kaluluwa at pag-iisip sa pamamagitan ng pagmamahal din natin sa ating kapwa tulad ng sa Kanya.


E. Pagdiriwang

Isipin kung paano natin maipapakita ang pagmamahal natin sa Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan. Anong kabutihan ang dating hindi mo nagagawa ang iyong pinapangakong gagawin ngayong linggo.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


17 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page