🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Paghamong Makatugon sa Kagandahang-Loob ng Diyos
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 22:1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon San Mateo
Noong panahong iyon, muling nagsalita si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masama’t mabuti, anupa’t napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Nakakita ka na ba ng hari, presidente, o kaya ng isang napaka-importanteng tao? Ano ang gagawin mo kung biglang kang imbitahan na dumalo sa kanyang birthday party? Siguro maraming tatakbo sa iyong isip tulad ng ano ba ang isusuot mo at ano ang iyong ireregalo? Magiging napaka-excited mo para sa pagdating ng araw na iyon at halos hindi ka makakatulog sa paghihintay! Ganito rin ang mensahe ng talinghaga ni Hesus ngayon kung saan ikakasal ang kanyang anak at iniimbitahan niya na dumalo ang mga tao sa handaan. Ano ang kanilang naging tugon at ano naman ang ginawa ng hari sa kanilang tugon?
‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Mateo 22:8-9
B. Paghahawi
Inihalintulad ni Hesus ang kaharian ng langit sa talinghaga tungkol sa kasalan kung saan ayaw dumalo ng mga taong kanyang inanyayahan sa kanyang piging. Muli, sinubok niyang sila’y anyayahan ngunit ayaw talagang dumalo. Kaya’t inanyayahan na lamang ng hari ang lahat ng taong makikita ng kanyang alipin na dumalo sa handaan.
C. Pagtatabas
Paano ba ako tumutugon sa mga paanyaya ng Diyos?
D. Pagsasaayos
Namumukod tangi ang pagmamahal sa atin ng ating Panginoon. Una, nilikha Niya tayong kawangis Niya; at ikalawa, ang pagsusugo Niya ng Kanyang Anak na si Hesus upang iligtas tayo sa kasalanan at anyayahan tayo na mamuhay sa langit kasama Niya.
Lahat man tayo ay maaaring pumunta sa langit, marami ang tumatanggi tulad ng sa talinghaga ngayong linggo. Bukas ang pinto ng langit para sa lahat kaya’t kahit na ang mga makasalanan ay tatanggapin kung tayo ay lubusang tatalikod sa kasamaan at magsisisi.
Hangga’t naghahanda tayo para sa buhay na walang hanggan ay patuloy pa rin tayong inaanyayahan ni Hesus na makapiling Siya. Linggu-linggo dapat tayong nagsisimba upang mapalalim natin ang ugnayan natin sa Kanya. Ang Banal na Misa ang pinakamataas ng antas ng pagsamba sa ating mga Katoliko dahil dito natin matatanggap ang katawan at dugo ni Kristo.
E. Pagdiriwang
Linggu-linggo ay may handaan sa tahanan ng Panginoon, ang ating simbahan. Kailan ka huling nagsimba? Ayain ang mga mahal sa buhay at dumalo sa pagtitipon ng Panginoon ngayong linggo.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Commenti