🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Si Hesus ang Daan sa Buhay na Walang Hanggan
Ebanghelyo ngayong Linggo: Juan 14, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama ay sumasaakin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Ano ang ginagamit natin para malaman ang daan patungo sa lugar na hindi pa natin nararating o napupuntahan? Halimabawa, may birthday party kayong pupuntahan ng iyong nanay o tatay, pero hindi naman ninyo alam ang bahay ng iyong kaibigan? Saan at paano ninyo ito pupuntahan? Diba inaalam natin ang address at tinitignan natin sa mapa. Bilang mga tao, tayo rin ay may huling kahahantungan. Nais nating lahat na mapunta sa langit diba? Pero paano nga ba tayo makakarating doon? Kaya ba natin yon mag-isa?
B. Paghahawi
“Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.” Juan 14:6-7
Pag-uugnay sa Ebanghelyo
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostoles na Siya’y malapit nang lumisan papunta sa ating Ama sa langit at Siyang maghahanda ng silid nila. Hindi ito lubos na naintindihan ng mga apostoles at nagtanong kung paano nga ba makapunta sa langit. Sinagot sila ng tuwid ni Hesus na Siya ang daan patungo sa buhay na walang hanggan.
C. Pagtatabas
Ano ang epekto sa aking buhay ng pangako ni Hesus na siya ay babalik upang isama ang kanyang mga disipulo sa kanyang kinaroroonan? Ito ba ay bukal ng pag-asa o ng pagkabalisa? Bakit?
D. Pagsasaayos
Naniniwala ba tayo na si Hesus ang daan patungo sa Langit? Kung babalikan ang Ebanghelyo ngayong linggo, mismong ang mga apostoles ni Jesus na si Tomas at Felipe ang nagtanong kung paano makararating sa Langit at kung sino ang Diyos. Kung sila nga ay parang di nalilinawan, paano pa kaya tayong mga ordinaryong mga tao o mga bata? Ngunit simple lang ang isinagot sa kanila ni Hesus: kung naniniwala na si Hesus ang daan patungo sa Langit, wala tayong dapat ikabahala o ikatakot.
Bilang mga bata, anu-ano nga ba ang mga pwede nating gawin upang tayo ay makarating sa langit?
Una, maging mabait. Sa pagiging mabait, sinisikap natin na tayo ay hindi gagawa ng kahit na anong masama o iiwas tayo sa kasalanan.
Ikalawa, gumawa ng kabutihan. Sa ating pagiging mabait, dapat gagawa din tayo ng kabutihan sa kapwa, tulad ng pangangalaga sa maysakit, pagtulong sa nangangailangan o kaya sa paninindigan sa tama.
At ikatlo, manampalataya kay Hesus bilang ating Panginoon at manliligtas. Kung tayo ay nananampalataya, dapat palagi tayong nananalangin sa Panginoon at nagsisimba. Dapat din ay ibinabahagi natin ang kabutihan ng Kristo sa iba.
Mahirap gawin ang lahat ng ito lalo kaya dapat humingi tayo ng grasya sa Panginoon na magampanan natin ang lahat ng ito sa araw araw dahil sa tulong laman Niya tayo makakarating sa buhay na walang hanggan sa kalangitan
E. Pagdiriwang
Kumatha ng simpleng panalangin upang matulungan tayo ng Panginoon na maging mabait, gunmawa ng kabutihan at manampalataya ng walang pag-aalinlangan sa Kanya.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments