🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Ang Nakapagpapabago at Nakapagbibikis na Tungkulin ng Espiritu Santo
Ebanghelyo ngayong Linggo: Pagbasa: Juan 20:19-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayun din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawag na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Ano ang kinatatakutan mo? Ang iba takot sa ipis! Ang iba naman takot sa dilim o makulong sa maliliit na kuwarto. Ang iba naman takot sa multo! Ano ang ginagawa mo kapag nakakaramdam ka ng takot? Nagdadasal o tumatakbo papalayo… o kaya, nagtatago? Ganito rin ang nangyari sa mga apostoles ni Hesus noong araw na iyon; nagkulong sila sa isang kwarto dahil sa takot nila sa mga Judio. Bukod sa takot ay labis ang kanilang pagsisisi, kalungkutan at kahihiyan sa pagtalikod nila kay Hesus nung Siya’y mamatay.
“Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo. Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga: ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.” Juan 20:21-23
B. Paghahawi
Sa kabila nang nakandado ang pinto ay lumitaw si Hesus at ipinakita ang Kanyang mga sugat bilang pagpapatunay na hindi Siya isang multo ngunit tulad nila ay buhay na buhay! Sa kabila ng pagtalikod ng mga apostoles kay Hesus nang siya’y mahatulan at tuluyang mamatay ay hatid ni Hesus ang kapayapaan at pagpapatawad sa kanilang lahat.
C. Pagtatabas
Nakaramdam ka na ba ng kapayapaang galing kay Jesus o Espiritu Santo kapag ikaw ay natatakot?
D. Pagsasaayos
Maraming situwasyon sa ating buhay ang nagdudulot ng pagkatakot. Ano pa man ang ating ikinatatakot, ikulong man natin ang ating sarili o tumakbo, nariyan si Hesus upang ibsan ang nararamdaman nating takot. Handog ni Hesus sa atin ang kapayapaan at ang Espiritu Santo upang tayo’y gabayan at tulungang malagpasan ang anumang unos na dumadating sa ating buhay.
Ating tandaan na binuwis ni Hesus ang Kanyang buhay upang mailigtas tayo sa kasalanan. Ngunit hindi ito kasiguruhan na tayo’y pupuntang lahat sa langit dahil may kakayanan pa rin tayong magdesisyon na umayon sa Diyos o mahulog sa bitag ng kasalanan. Likas sa atin ang kahinaan kaya’t kung tayo’y maliligaw ng landas ay handa pa rin ang Panginoon na tayo’y tanggapin sa pamamagitan ng paghingi ng tawad. Ito ay tinatanggap natin sa sakramento ng kumpisal. Ugaliin natin ang pagkukumpisal upang tayo ay manatili sa piling ng Panginoon, ilang beses man tayo madapa sa kasalanan.
E. Pagdiriwang
(Sa mga nakapag-komuniyon na) Kailan ako huling nakapag-kumpisal?
I-download ang KatoLago worksheet dito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments