top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

May 21 |Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Luwalhati at ang Misyon


Ebanghelyo ngayong Linggo: Pagbasa: Mateo 28, 16-20


Ang wakas ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, ang Labing-isang alagad ay nagpunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Hesus. Nang makita nila si Hesus, siya’y sinamba nila, bagamat may ilang nag-alinlangan. Lumapit si Hesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa Lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Anong nararamdaman mo kapag umaalis si nanay o si tatay patungo sa kani-kanilang mga trabaho at maiiwan ka sa bahay na mag-isa? Hindi ba parang medyo natatakot tayo kasi wala sila. Paano kung may dumating na humahanap sa kanila? Paano kung may hindi magandang mangyari habang wala sila? Sa mga panahon ngayon na may mga gadget at internet na, napakadali na silang matawagan, maaari pa ngang sa video kung gusto natin. Pero paano naman noong unang panahon na walang teknolohiyang katulad nito? Ganito ang nangyari sa mga apostoles ni Hesus nang magsabi Siyang Siya ay paparoon na sa langit. Ano nga ba ang naramdaman ng mga apostoles noong mga panahon na iyon na sinabi ni Hesus na hindi na nila Siya makikitang pisikal?


“Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” Mateo 28:19-20

B. Paghahawi

Dumating na ang takdang panahon na lumisan si Hesus patungo sa Kanyang Ama sa langit. Ngunit bago siya tuluyang lumisan ay inihabilin Niya ang Kanyang misyon sa lupa sa Kanyang apostoles. Kalakip ng Kanyang pamamaalam ang pagbabasbas at pangako na Sila’y magkakasama hanggang sa pagtatapos ng panahon.


C. Pagtatabas

Sino si Hesus para sa akin ngayon? Ano ang ginagawa ko para makibahagi sa misyong ito na inihabilin ni Hesus?


D. Pagsasaayos

Kung babalikan natin ang mga ebanghelyo sa nakaraang mga linggo ay sinasariwa nito ang pagpapaalam at paghahabilin ni Hesus. Ilang beses din nabanggit sa kanyang mga pangaral na ipapadala ng Ama sa langit ang Espiritu na tutulong sa ating lahat. Kahit na may pangakong ganito, karaniwan pa rin tayong natatakot na ipagpatuloy ang Kanyang misyon dahil napakahirap naman talagang maging mabuti at gumawa ng kabutihan sa kapwa.


Isapuso’t isip natin ang pangakong binitawan ni Hesus, na tayo’y pupunta at makakasama Niya sa langit. Bilang mga batang Katoliko ay nasimulan na ang paghahanda natin para dito! Una, nawala na ang orihinal na kasalanan ng ating mga ninuno nang tayo ay mabinyagan. Ikalawa, marami tayong pagkakataon na tumulong at gumawa ng kabutihan. Ang pagtulong ay hindi naman laging nagagawa sa pag-aabot ng pera, maaari din itong pagsasakripisyo at pagdadasal sa mga pangangailangan ng iba. Ikatlo, ang kanyang winika “Kasama ninyo ako sa tuwina hanggang sa katapusan ng panahon.” Hindi tayo pinabayaan ni Jesus. Pinadala niya ang Espiritu Santo upang ipahayag sa atin ang katotohanan.


E. Pagdiriwang

Isipin at pagnilayan kung kailan natin nakakasama si Kristo? Nakakasama ba natin Siya pag tayo ay nagdadasal, nagmimisa, nagbabasa ng bibliya o tumutulong sa nangangailangan?


I-download ang KatoLago worksheet dito 👇👇👇

https://www.katolago.com/liturgyfun-2023



Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________


38 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page