top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

May 14 | Ika-6 Linggo ng Muling Pagkabuhay


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Hamong Magmahal sa Salita at sa Gawa


Ebanghelyo ngayong Linggo: Pagbasa: Juan 14:15-21


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng isa pang patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Ito’y ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat hindi siya nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya’y sumasainyo at nananahan sa inyo.


“Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo.


“Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya, at ako’y lubusang magpapakilala sa kanya.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Hindi ba minsan pag tayo ay may pinapanood na nakakatakot ay tinatakpan natin ang ating mga mata ng ating kamay o kaya nagtatalukbong tayo ng kumot? Minsan naman, nagtatago tayo sa likod ng ating kapatid o kaibigan o di kaya tinatawag natin si nanay o si tatay. Maraming nakakatakot na bagay ang mararanasan natin sa ating buhay. Hindi ito mga multo o maligno kundi ang takot na gawin ang mga bagay na hindi natin alam. Minsan, natatakot din tayo na gawin ang alam nating tama dahil hindi ito naaayon sa ginagawa ng karamihan.

“Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman.” Juan 14:15-16

B. Paghahawi

Sa pagpapatuloy ng “pagbibilin at pamamaalam” ni Hesus sa Kanyang mga apostoles, iniibsan Niya ang kanilang takot sa pamamagitan ng pangakong “makakatulong at makakasama” nila sa Kaniyang paglisan. Kasabay nito ang bilin ni Hesus na kung tunay nga nila Siyang minamahal ay susundin nila ang Kanyang mga utos.


C. Pagtatabas

Naranasan mo na bang sumunod ng utos, upang maisa- gawa nang maayos ang isang bagay?


D. Pagsasaayos

Kahit na saan tayo pumunta ay may mga batas at tuntunin na dapat natin sundin. Sa bahay, sa paaralan o maging sa labas ng ating mga tahanan. Ang mga batas na ito ay para sa kaayusan ng lahat ng bagay sa ating buhay. Halimbawa na lang, sa ating paaralan, hindi tayo maaaring mangopya ng sagot ng ating kaklase dahil dito malalaman ng guro kung naintindihan natin ng lubos ang aralin. Sinusunod ba natin ang mga batas? Anong mangyayari kung lulubagin natin ang mga batas na ito?


Maging si Hesus ay maraming “utos” para sa atin. Karaniwan, napakadali lang na sabihin, oo gagawa ako ng kabutihan pero madali rin tayong lumabag sa mga utos na ito. Likas tayong makasalanan at hindi sapat na sabihin nating tayo ay magpapakabuti. Dapat ay isinasabuhay natin ang mga ito araw-araw. Ang tunay na pagmamahal sa ating kapwa ay ang naipapakita sa pagpapatawad sa mga nagkakasala sa atin, sa pagtulong sa nangangailangan na walang hinihintay na kapalit at pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.


Nakakatakot at nakakabahala ito kung tayo lang mag-isa kaya’t hindi tayo pinabayaan ni Hesus. Ipinadala ng Ama ang Espiritu upang bigyan tayo ng lakas na gawin ang nararapat. Sa mga panahon na tayo’y pinanghihinaan ng loob, nariyan ang Espiritu ng Panginoon upang tulungan tayong tumayo kung tayo’y sakaling madapa.


E. Pagdiriwang

Sa paanong paraan natin nararamdaman ang presensya ni Hesus sa ating buhay? Isipin kung paano Niya tayo tinutulungan sa araw-araw.


I-download ang KatoLago worksheet dito 👇👇👇


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________


34 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


bottom of page