Gabay sa Pagninilay at Katekesis
Ang Paghamong Pakinangin ang Ating Kagalingan
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 17:1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Ang mga alagad ay natakot nang gayun na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob. Nguni’t nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot.” At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus.
At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Nakita ka na ba ng palito ng posporo na sinisindihan? Ipikit ang iyong mata at alalahanin ang unang pagkakataon na makita mong kiniskis ang ulo ng palito sa gilid ng kahon ng posporo at kung paano ito nagliyab sa isang iglap. Anong naramdaman mo? Hindi ba’t parang magkakasamang pagkabigla, galak at konting takot sa biglang paglikha ng apoy mula sa maliit na patpat ng kahoy? Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ikinuwento ang pagbabagong anyo ni Hesus sa bundok: ang pagliwanag ng Kanyang mukha at ang pagpapakita ni Moises at Elias. Ano ang naging kahulugan ng pagbabagong ito para sa kanila?
B. Paghahawi
“Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Mateo 17:5
Pag-uugnay sa Ebanghelyo
Nagbago ang anyo ni Hesus sa harap nina Pedyo, Santiago at Juan. Mula sa mga ulap ay narinig ang tinig ng Panginoon at ipinagtibay si Hesus bilang Kanyang Anak na dapat pakinggan.
C. Pagtatabas
Sinu-sino ang mga kasama ni Hesus sa bundok? Sino ang nakita nilang kausap ni Hesus sa Kanyang pagbabagong anyo? At ano ang kanilang naramdaman?
Naranasan mo na ba ang magkaroon ng pambihirang “presensya” ng Diyos sa iyong buhay? Isang imposibleng dasal na nadinig binigyang katuparan? Ano ang iyong naging tugon sa pagpapalang ito?
D. Pagsasaayos
Balikan ang mga natatanging kaganapan sa Ebanghelyo:
Ang pagliwanag ng mukha at damit ni Hesus na tila araw
Ang pagpapakita ni Moises at Elias
Ang pagproklama ng Tinig sa ulap “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo Siya!”
Ang pagbabagong-anyo ni Hesus at pagpapakita sa mga itinatanging disipulo ay sulyap sa nakatakda para sa ating lahat para sa buhay na walang hanggan kasama ng Panginoon sa langit. Paano natin inihahanda ang ating sarili para sa buhay na walang-hanggan?
Maraming magagandang pagbabago ang nagaganap sa araw-araw nating pamumuhay. Napapansin ba natin ito? Ano ang reaksyon natin sa mga biyayang natatanggap natin galing sa Panginoon? Tayo ba ay nananahimik o ipinapasa natin ang pagpapala sa iba?
Isipin natin ang mga natatanging biyaya na kaloob sa atin at sikapin nating maging tagapaghatid ng biyaya sa kapwa. Marami tayong pwedeng gawin sa ating maliit na paraan: sa simpleng pagbati ng “magandang umaga, kamusta ka?” ay naipapahayag mo na sa iyong kapwa ang iyong pakikisama at pakikiramay sa kanila. May dinamayan ka na ba sa kanilang kalungkutan? May nabisita ka bang may sakit? Nakapag-pakain ka ba ng nagugutom? Hinihimok tayo ng Panginoon na pakinggan ang mga turo ng Kanyang Anak at Inaanyayahan tayo ni Hesus na magningning tulad Niya.
E. Pagdiriwang
Paano mo maipapasa ang mga pagpapala ng Panginoon sa iyong buhay? Gumawa ng simpleng panalangin upang tayo ay magabayan sa pagpapalaganap ng pagpapala sa ating kapwa.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
Comments