top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Mar 26, 2023 | Ika-5 Linggo ng Kuwaresma

📖Gabay sa Pagninilay at Katekesis 🦉✝️
Si Hesus ang ating pag-asa sa muling pagkabuhay

Ebanghelyo ngayong Linggo: Juan 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon, nagpasabi kay Hesus ang mga kapatid na babae ni Lazaro, “Panginoon, ang kaibigan mong minamahal ay may sakit.” Ngunit nang marinig ito ni Hesus ay sinabi niya, “Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunma’y pinaraan pa niya ang dalawang araw matapos mabalitaang may sakit si Lazaro bago sinabi sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” Pagdating ni Hesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, ay hindi mamamatay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.”

Si Hesus ay napahimutok. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong niya. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Hesus; kaya’t sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Ngunit sinabi ng ilan, “Nakapagpadilat ng bulag ang taong ito. Bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?”

Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libingan. Ito’y yungib na natatakpan ng isang bato “Alisin ninyo ang bato,” sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay. Sinabi ni Hesus, “Hindi ba sinabi ko sa inyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?” At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito, sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro; napupuluputan ng kayong panlibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang kanyang mukha. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at nang makalaya.”

Marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus at nanalig sa kanya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

A. Pagmamasid

Naranasan mo na ba na may hingin ka sa iyong magulang o sa nakakatanda ng isang bagay at tila hindi tayo nadidinig o kaya hindi tayo pinagbibigyan? Halimbawa, gusto mo kumain ng kendi o ng chichirya; O kaya gustong gusto mo maglaro kasama ng mga kaibigan pero ayaw tayong palabasin. May mga pagkakataon na hindi ibinibigay ang ating mga hinihingi at kahit na sabihin sa atin ang rason ay minsan hindi natin ito matanggap. Marami rin tayong mga ipinagdadasal sa Panginoon dahil sa hirap na dinadanas natin pero minsan parang hindi nadidinig ng Diyos ang ating mga panalangin. Ano ang mararamdaman mo kung sa tindi at paulit-ulit na pagdadasal ay tila hindi naririnig ng Panginoon ang ating panalangin?


B. Paghahawi

“Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” Juan 11:21-22


Pag-ugnay sa Ebanghelyo

Humingi ng tulong si ang magkapatid na Martha at Maria upang pagalingin ni Hesus ang kanilang kapatid na si Lazarus. Tila hindi naman nagmamadali si Hesus na puntahan ang kanyang mga kaibigan at pinili pang manatili ng 2 araw bago pumunta sa Judea. Nang dumating si Hesus si Betania ay 4 na araw na palang patay ang Kanyang kaibigan na si Lazarus.


C. Pagtatabas

May mga pagkakataon ba na nawawalan na tayo ng pag-asa dahil sa parang di nadidinig ang ating panalangin? Nakikita ba natin ang plano ng Diyos para sa ating lahat?


D. Pagsasaayos

Narinig na ba ninyo ang kasabihang “Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo”? Ang ibig sabihin nito ay ano pa ang silbi ng isang bagay kung nahuli na ang lahat. Maraming ipinagdadasal ang mga tao sa Panginoon araw-araw dahil sa iba’t ibang mga challenges na dumadating sa kani-kanilang mga buhay. Bilang bata, simple man ay marami rin tayong challenges na pinagdadaanan. Ang iba, nahihirapan ng husto sa kanilang pag-aaral… ang iba may problema sa pamilya… ang iba ay nabu-bully sa school o malimit pinag-kakaisahan ng ibang bata. Marahil ipinagdadasal natin sa Panginoon na tayo ay tulungan. Pero hindi lagi tayong nadidinig o kaya’y sa pakiwari natin ay hindi ibinibigay ang ating mga kahilingan.


Unawain natin na may plano ang Panginoon para sa atin. May dahilan o mahalaga tayong aral na kailangan matutuhan sa lahat ng dumadating sa buhay natin. Minsan, ginagamit ng Panginoon ang mga hindi magagandang pangyayari sa ating buhay para tayo ay mas lalong lumakas at maging matatag. Ipanalangin natin na maintindihan nating lubos ang Kanyang mga plano sa ating buhay.


Tandaan nating, walang “huli na!” para sa Panginoon - walang imposible para sa Kanya, kaya’t huwag tayong mawawalan ng pag-asa.


E. Pagdiriwang

Pagnilayan kung bakit gumagawa ng himala si Hesus sa ating buhay. Anu-ano ang mga “answered prayers” mo?


Kumatha ng panalangin tungkol sa lubos na pagtitiwala sa Panginoon at sa Kanyang mga plano sa ating buhay.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________



66 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


bottom of page