top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Mar 12, 2023 | Ika-3 Linggo ng Kuwaresma


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Panawagang Buksan ang Ating Puso kay Hesus


Ebanghelyo ngayong Linggo: Juan 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon: Dumating si Hesus sa isang bayan sa Samaria, na tinatawag na Sicar, malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Umupo si Hesus sa tabi nito, sapagkat siya’y napagod sa paglalakbay. Halos katanghaliang-tapat na noon.


May isang Samaritanang dumating upang umigib. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad sapagkat bumili ng pagkain sa bayan. Sinabi sa kanya ng Samaritana, “Kayo’y Judio at Samaritana ako! Bakit kayo humihingi sa akin ng inumin?” Sapagkat, hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano. Sumagot si Hesus, “Kung alam lamang ninyo kung ano ang ipinagkakaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa inyo ng inumin, marahil ay kayo ang hihingi sa kanya, at kayo nama’y bibigyan niya ng tubig na nagbibigay-buhay.” “Ginoo,” wika ng babae, “malalim ang balong ito at wala man lamang kayong panalok. Saan kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Higit pa ba kayo kaysa aming ninunong si Jacob, na nagbigay sa amin ng balong ito? Uminom siya rito, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop.” Sumagot si Hesus, “Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” Sinabi ng babae, “Ginoo, kung gayun po’y bigyan ninyo ako ng tubig na sinasabi ninyo, nang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok. Ginoo, sa wari ko’y propeta kayo. Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga magulang, ngunit sinasabi ninyong mga Judio, na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.” Tinugon siya ni Hesus, “Maniwala ka sa akin, Ginang, dumarating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama, hindi lamang sa bundok na ito o sa Jerusalem. Hindi ninyo nakikilala ang inyong sinasamba, ngunit nakikilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay galing sa mga Judio. Ngunit dumarating na ang panahon – ngayon na nga – na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ito ang hinahanap ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”


Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong paririto ang Mesiyas, ang tinatawag na Kristo. Pagparito niya, siya ang magpapahayag sa atin ng lahat ng bagay.” “Akong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy mo,” sabi ni Hesus.


Kaya’t paglapit ng mga Samaritano kay Hesus, hiniling nila na tumigil muna siya roon; at nanatili siya roon nang dalawang araw.


At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. Sinabi nila sa babae, “Nananampalataya kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin sa kanya. Nakilala naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Kailan ka huling naglaro na nagtatakbo ka nang husto? Yung habulan o kaya basketball. Yung tagaktak ang iyong pawis at hingal na hingal ka… Diba pagkatapos nito ika’y uhaw na uhaw? Gusto mong uminom ng isang pitsel ng tubig na puro yelo. Wow! Talagang nakakawalang bigla ng uhaw! Pero maya-maya mararamdaman mo na tila nauuhaw ka pa rin kaya’t gusto mo pa rin uminom ng mas maraming tubig. Kung may makasalubong ka na sasabihin sayo, “bibigyan kita ng tubig na hinding hindi ka na mauuhaw…” iinumin mo ba ang alok ng taong iyon? Ganito rin ang kuwento ng Ebanghelyo ngayong linggo ni Hesus at ng babaeng Samaritano.


B. Paghahawi

“Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” Juan 4:13-14


Pag-ugnay sa Ebanghelyo

Ang tubig ang sagisag ng buhay. Kung walang tubig, tayo’y mamamatay. Ang mga aral ni Hesus ang “inumin” ng ating kaluluwa.


C. Pagtatabas

Kinikilala mo ba na si Hesus ang bukal ng grasya sa ating kaluluwa? Anong aral Niya ang nakatulong sa iyong pang-araw araw na pamumuhay?


D. Pagsasaayos

Kung wala si Hesus sa ating puso ay tila tayo’y nasa panahon ng tagtuyot na kailangan ng ulan at grasya mula sa Kanya. Hindi ito madaling maintindihan o maunawaan at marami ang hindi alam na kailangan nila si Hesus sa kanilang buhay. Pagnilayan kung tayo ay nauuhaw sa pagtanggap at pagpapahalaga o kaya kulang sa sigla ng buhay at pagmamahal. Hanapin natin si Kristo sa pamamagitan ng pagdadasal, pagbabasa ng bibliya at pagninilay, paglilingkod sa simbahan at higit sa lahat sa pagsisimba.


E. Pagdiriwang

Ano ang maaari kong gawin upang sariwain ang mga Salita ng Diyos sa aking buhay? Kumatha ng angkop na panalangin upang tulungan tayo ng Panginoong maibsan ang pagkauhaw ng ating kaluluwa.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________




58 views0 comments

Recent Posts

See All

コメント


bottom of page