top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Jul 9 | Ika-14 Linggo sa Karaniwang Panahon

🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Matatagpuan ang Ginhawa kay Hesus


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 11:25-30


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.


“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.


“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Nasubukan mo na bang magbuhat ng mabigat na bagay? Halimbawa, isang sakong bigas o kaya mga pinamalengke ni nanay? Naku paano kung kilo-kilong baboy, isda at karneng baka ang laman ng supot? Parang mahihirapan ata tayo! Pero kung hahatiin ninyo ang pagbubuhat o tutulungan natin si nanay na magbuhat ay gagaan na ang mga dalahin. Ito rin ang iniaalok na tulong ni Hesus sa ating lahat. Kung tayo ay nabibigatan sa ating mga pasanin, emosyonal o espirituwal man, tutulungan Niya tayo upang tayo ay maginhawaan.


“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko.” Mateo 11:28

B. Paghahawi

Matapos papurihan ang Ama sa Langit ay inanyayahan ni Hesus ang Kanyang mga tagasunod na humugot ng ginhawa mula sa Kanya. Kaakibat nito ay ang Kanyang paanyayang tumulong pasanin ang Kanyang pamatok upang gumaan ang buhay.


C. Pagtatabas

Paano natin hinaharap ang mga pagsubok sa buhay? Kaabay ba natin ang Panginoon?


D. Pagsasaayos

Ang pamatok ay isang kahoy na inilalagay sa dalawang tao o mga hayop na humihila o nagdadala ng mabibigat na pasanin. Binabalanse ng pamatok ang pasanin at nagiging madali ang paghila o pagbuhat nito.


Hindi lahat ng misyon ni Hesus sa lupa ay naging matagumpay. Siya man ay nahirapan dahil sa mga taong umuusig sa Kanya. May mga pariseo at mga taong hindi naniniwala sa Kanya at ang iba pa nga ay pinapaalis Siya sa kanilang bayan sa kabila ng paggawa ng mga himala tulad ng pagpapagaling ng maysakit at pagpapaalis ng masamang espiritu.


Kung Siya man ay nahihirapan, tayo man ay maraming mabibigat na pagsubok at pasanin sa buhay. Ang iba tungkol sa pamilya o sa pag-aaral. Ngunit alay ni Hesus sa ating mga tagasunod niya ang kaginhawaan sa pamamagitan ng pagpasan ng Kanyang pamatok. Mahirap ang maging tagasunod ni Hesus dahil tayo man ay uusigin tulad Niya! Kung kasama natin Siya, wala tayong dapat ikatakot. Ialay natin sa Kanya ang ating mga nararanasang hirap at siguradong tayo’y tutulungan Niya.


E. Pagdiriwang

Anong mga problema at pasanin ang nais kong ialay kay Hesus?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________


37 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page