top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Jul 30 | Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon

🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Halaga ng Kaharian ng Diyos


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 13:44-46


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laking tuwa, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon. “Gayun din naman, ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Ano ang pinakamahalagang pag-aari mo? Ang iba sasabihin nila, ang kanilang paboritong laruan, o kaya naman telepono o libro. Kung hingin ito ng ibang tao, ibibigay mo ba? Gaano kalalim ang pagpapahalaga mo sa bagay na ito? Mahirap diba? Malamang magagalit o malulungkot tayo kung mawala ang mahalagang bagay na ito sa ating buhay. Ganito inilalarawan ni Hesus ang kahalagahan ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng mga talinghaga.


“Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.” Mateo 13:46

B. Paghahawi

Sa pagtatapos ng paglalahad ng mga aral ni Hesus sa pamamagitan ng mga talinghaga sa aklat ni Mateo inilarawan ni Hesus ang Kaharian ng Diyos bilang kayamanang nahukay sa bukid at ng mangangalakal na nakatagpo ng mahalagang perlas sa dagat. Handa nilang ipagpalit ang lahat ng kanilang materyal na pag-aari nang matagpuan ang mga katangi-tanging kayamanang ito.


C. Pagtatabas

Ano ang halaga ng kaharian ng Diyos sa iyong buhay? Paano mo ito hinahanap?


D. Pagsasaayos

Ang kaharian ng Diyos ay inilarawan ni Hesus bilang natatanging mga kayamanang dapat na hinahanap natin sa ating buhay. Ito ay hinuhukay, sinisisid at pinaghihirapan nating mapasaatin. Ang yamang ito ay matatagpuan hindi lang sa wakas ng ating buhay. Ito ay nasa Mabuting Balita, sa pagsasabuhay ng mga aral ni Hesus.


Nakakalungkot na sa panahon ngayon ay wala nang masyadong nagbibigay ng halaga sa Salita o sa mga pangaral ni Hesus dahil sa naging masyado na tayong materyoso. Nagiging mas mahalaga na ang mga materyal na bagay sa atin kaysa ang gumawa ng kabutihan. Kadalasan pa nga ay mas matagal pa ang ginugugol nating panahon na manood o maglaro gamit ang ating cellphone.


Bilang kabataan, paano natin maibabalik ang halaga ng Salita ng Diyos sa ating buhay? Ano ang mga simpleng gawain upang maipakita kay Hesus na ang mga Aral niya ay mahalaga?


E. Pagdiriwang

Sa ating pagsisimba ngayong linggo, makinig ng mabuti sa buong misa lalo na sa Ebanghelyo at Homily ni father. Subuking maintindihan ng husto ang mensahe ng Diyos at isabuhay ito sa ating tahanan.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________


29 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page