top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Jul 23 | Ika-16 Linggo sa Karaniwang Panahon


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Pagsasama ng Masama at Mabuti sa Kaharian ng Diyos


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 13, 24-30


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, inilahad ni Hesus ang talinghagang ito sa mga tao. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo sa triguhan. Nang tumubo ang trigo at magkauhay, lumitaw rin ang masasamang damo. Kaya’t lumapit ang mga alipin sa puno ng sambahayan at sinabi rito, ‘Hindi po ba mabuting binhi ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga iyon?’ ‘Huwag,’ sagot niya. ‘Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani: Tipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo’y inyong tipunin sa aking kamalig.’”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Napansin mo ba na sa inyong klase, hindi lahat ng mga kasama mo ay mabuti? May mga kamag-aral tayong laging napapagalitan ng teacher dahil may ginagawang kapilyuhan sa classroom o kaya sa ibang bata; may bullying, pangungupit, pag-aaway o kaya pang-aapi kahit na sa mga kasama natin. Mapapanood din natin sa tv o kaya sa social media ang iba’t ibang uri ng karahasan na nagaganap sa ating paligid. Kaya’t naitanong mo na ba sa iyong sarili, “Bakit may kasamaan sa mundo at bakit hinahayaan ng Diyos na maghasik ng gulo ang mga masasamang tao?”


“Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga iyon?’ ‘Huwag,’ sagot niya. ‘Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani: Tipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo’y inyong tipunin sa aking kamalig.’” Mateo 13:28-30

B. Paghahawi

Sa pamamagitan ng talinghaga ay inihambing ni Jesus ang kaharian ng Langit sa isang taong nagtanim ng mabuting buto ng trigo, ngunit nahasikan ng kaaway ng masamang damo ang taniman. Payo ng may-ari ng taniman na hayaang sabay tumubo ang trigo at masamang dahon hanggang anihan ng namunga na trigo. Saka palang bubunutin, bibigkisin, at susunugin ang mga masamang damo. Titipunin ang naaning trigo sa kamalig.


C. Pagtatabas

Mabuti ba akong trigo o masamang damo? Bakit?


D. Pagsasaayos

Sa ating mundo, magkasama ang mabubuti at masasamang tao. Bagamat hinubog tayo ng Panginoon na kawangis Niya, binigyan din tayo ng kalayaan na pumili ng tatahakin nating daan. Ang iba, kahit na mahirap, ay pipiliin ang kabutihan at ang iba naman ay pinipili ang kasamaan dahil ito ay kalimitang mas madaling paraan upang mabuhay.


Ang mga mabubuting tao ay hindi rin naman laging gumagawa ng mabuti. Tayo man ay binubulungan at tinutukso araw-araw kaya’t tayo ay nagkakasala. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nililitis ng Panginoon sa gitna ng ating buhay. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataon na magsisi sa ating mga kasalanan hangga’t tayo’y nabubuhay.


Para sa mga nakapag-komuniyon na, kaakibat ng sakramentong ito ang pagkukumpisal. Ikaw? Kailan ka huling nagkumpisal kay father? Ang pagkukumpisal ang pinakamabisang paraan upang makabalik sa grasya ng ating Ama kapag tayo’y nagkasala.


E. Pagdiriwang

Isipin ang iyong mga nagawang mali at magkumpisal. Kung hindi pa nakakapag-first communion, isipin na lamang ang mga pwedeng gawin upang maitama ang mga maling nagawa.

I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ

Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________


25 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page