🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Mahalin si Kristo ng Higit sa Lahat
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 10:37-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol: “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae na higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.
“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Lahat tayo ay may pangarap sa ating buhay. Bilang bata, ano ang nais natin maging sa ating paglaki? Ang iba gusto maging doktor, o kaya teacher o kaya naman ang iba gusto maging pulis o piloto! Dahil sa mga pangarap na ito ay pinagbubutihan nating husto ang ating pag-aaral. Ang gantimpala natin balang araw ay ang makamit ang mga nais natin sa buhay! Ganito rin naman ang nais ni Hesus para sa atin… na makamit natin ang gantimpala natin sa kabilang buhay. Mahirap ngunit simple lamang ang hamon ni Hesus sa ating lahat para makamit ito.
“Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” Mateo 10:37
B. Paghahawi
Hinahamon tayo ni Hesus na i-ukol ang ating buong pagmamahal sa Kanya. Kung mas mahal pa natin ang ibang tao o sarili man nating buhay ay wala tayong matatanggap na gantimpala mula sa Kanya.
C. Pagtatabas
Ninanais mo bang ang lahat ng paghihirap mo ay may kapalit na gantimpala?
D. Pagsasaayos
Wagas ang pagmamahal ni Hesus sa ating lahat kaya’y kahit buhay Niya ay inialay Niya para sa ating kaligtasan. Ganon din ang pagmamahal na inaasahan Niya mula sa ating lahat. Walang pagmamahal na kalahating sukat lamang. Walang pagmamahal na mas matimbang pa para sa kapwa ito man ay para sa ating pamilya. Ang ibig sabihin lamang nito ay mas mabigat at nararapat na mangibabaw ang pagmamahal natin sa tama at sa kabutihan. Kung nagkakasala na ang ating mga mahal sa buhay, tungkulin natin na piliin si Hesus at subuking itama ang kamalian.
Kahit tayo ay bata, marami tayong magagawa! Walang sukatan ang pagtulong sa kapwa; kasing liit man ito ng isang basong tubig, ay kinalulugdan ng Diyos basta’t inaalay natin ito ng buong puso sa Kanya.
E. Pagdiriwang
Pagnilayan kung anu-anong mga gawain ang pwede nating gawin upang maipakita sa Panginoon ang lubos na pagmamahal natin sa Kanya.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Kommentare