🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Ang Bisa at Himala ng Salita ng Diyos
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 13:1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalimpumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga.
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Nakapagtanim ka na ba ng halaman? Hindi ba sa eskwelahan ay tinuturuan tayong magpatubo ng munggo mula sa butil nito? Una babasain ang buto, lilipas lang ang isang gabi at makikitang lalabas kaagad ang ugat nito hanggang sa sumibol ang mga dahon makaraan ang ilang araw. Sasabihan tayo ng guro na ilipat ito sa lupa at alagaan hanggang mamunga. Naging matagumpay ka ba sa proyektong ito? Naging mahirap ba o madali ang gawaing ito? Sasabihin marahil ng iba na napakahirap dahil sa talagang kailangan mong alagaan ang halaman upang ito ay mabuhay at mamunga. Ganito rin inilarawan ni Hesus ang Kanyang mga pangaral at Salita.
“At inilalarawan ng naghasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila’y namumunga: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatalumpu.” Mateo 13:23
B. Paghahawi
Uhaw na uhaw ang mga tao sa pangaral ni Hesus kaya’t saan man Siya magpunta ay sinusundan siya ng mga ito. Ibinahagi ni Hesus sa kanila ang kahalagahan ng mga pangaral Niya sa pamamagitan ng talinghaga ng paghahasik ng binhi sa mga lupa.
C. Pagtatabas
Bukas-puso ko bang tinatanggap at isinasabuhay ang Magandang Balitang ipinagkaloob ng Diyos sa akin?
D. Pagsasaayos
Ang Salita ng Diyos ay lagi nating naririnig, nababasa at natututuhan. Mula sa ating tahanan, paaralan at maging sa social media ay makikita natin ito. Ngunit ano nga ba ang nagiging pagtanggap natin dito? Isinasabuhay ba natin ang mga pangaral na ito o isinasantabi lamang?
Makapangyarihan ang Salita ng Diyos lalo na kung ito ay lubos nating inuunawa, pinapakinggan at isinasabuhay. Hindi sapat na tayo ay makinig lamang at walang kasamang gawa! Magiging tulad tayo ng butil na nalaglag sa mabatong lupa o sa lupang maraming damo dahil mabilis na mawawalan ang kapangyarihan ng Salita sa ating buhay.
Sa pagyabong ng Salita sa ating mga sarili sa pamamagitan ng pagsasabuhay nito, inaasahan tayo ng Panginoon na ibahagi ito sa iba. Mahirap na gawain ito ngunit mapapadali sa tulong ng Espiritu Santo. Magsumula lamang tayo sa maliit, sa ating tahanan at sa ating mga malalapit na kaibigan. Sa mga simpleng bagay lamang ay makakagawa na tayo ng kabutihan sa iba at maipupunla na natin ang Salita ng Diyos sa kapwa.
E. Pagdiriwang
Pumili ng isang aral ni Hesus at gawin ito sa ating tahanan. Kumatha ng panalangin sa Espiritu Santo na tayo ay tulungang magtagumpay sa gawaing ito.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments