🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Hamong Makilahok sa Pagtatatag ng Isang Higit na Mabuting Daigdig
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 22:15-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-usapan kung paano nila masisilo si Hesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila sa kanya ang ilan sa kanilang mga alagad, kasama ang ilang tauhan ni Herodes. Sinabi nila, “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat, at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong pinangingimian sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na bumuwis sa Cesar, o hindi?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang masamang layon kaya’t sinabi niya, “Kayong mapagpaimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin na ang salaping pambuwis.” At siya’y binigyan nila ng isang denaryo. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus, “Sa Cesar po,” tugon nila. At sinabi niya sa kanila, “Kung ayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Bilang Katoliko anu-ano ang mga sinusunod nating pamantayan ng ating pananampalataya? Hindi ba’t kapag tayo’y nakapag-unang komunyon na ay dapat na tayong magsimba tuwing Linggo? Tayo rin ay inaasahang magkumpisal upang mapatawad ang ating mga kasalanan. Kailangan din nating sundin at isabuhay ang sampung utos ng Panginoon upang tayo ay maging mabuting Kristiyano. Ang mga pamantayang ito ay para sa ikabubuti ng ating kaluluwa. Paano naman ang ikabubuti ng ating pagkatao bilang miyembro ng lipunan at ng bayan? May mga batas din tayong sinusunod sa pang-araw-araw na pamumuhay tulad ng sa batas trapiko, o sa ating pakikipag-kapwa tao. Ang mga batas na ating sinusunod ay mahalaga sa mata ng ibang tao, sa pamunuan at sa mata ng Diyos.
“Kung ayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” Mateo 22:21
B. Paghahawi
Nais ng mga Pariseo na ipahamak si Hesus kaya’t naisipan nilang siluin sila sa harap ng mga tao ni Herodes tungkol sa pagbabayad ng buwis. Ngunit nakita kaagad ni Hesus ang kanilang masamang layunin kaya’t sinabi niyang nararapat lang na ilaan ang salapi sa kinauukulan.
C. Pagtatabas
Binibigay ba natin sa Diyos ang nararapat sa kanya? Naglalaan ba tayo ng panahon at oras para sa Kanya? Sinusunod ba natin ang Kanyang mga turo o mabilis tayong bumaliktad kapag nahaharap sa paghihirap.
D. Pagsasaayos
Sa bawat tuwiran ng ating buhay, sa Diyos lamang natin binibigay ang ating tapat na pagtalima, ito ay dapat panindigan, isa-puso at isabuhay natin. Isa ito sa ang ating mga misyon at layunin bilang mga Katoliko. Tayo ay magsumikap na sumunod sa kanyang mga utos at maging Kanyang mga kamay at paa para sa iba.
E. Pagdiriwang
Isipin kung bakit may mga batas ang ating lipunan at bakit natin ito kailangang sundin? Ano naman ang mga batas na sinusunod natin na magpapalago ng ating pagiging alagad ni Kristo? Paano maihahambing ang mga ito sa isa’t isa?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
コメント