top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Hun 25 | Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon

🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Binabantayan Tayo ng Panginoon


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 10:26-33


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag kayong matakot sa mga tao. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan, sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.


“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Naranasan mo na ba na sumali sa isang pa-contest sa school? Pwedeng singing contest o kaya paggandahan ng artwork o math contest kaya? Ano ang nararamdaman mo kapag papalapit na ang contest na ito? Gaano ka man kahanda o gaano man kalalim ang iyong pagsasanay ay makakaramdam ka pa rin ng takot. Saan ka humuhugot ng lakas para maibsan ang takot na iyong nararamdaman? Ang iba ilang, sa suporta ng ating teacher o mga kaibigan. Ang iba naman sa tulong ng mga magulang at pamilya. At iba naman ay sa tulong ng pagdadasal. Sa hamon ni Hesus sa Kanyang mga apostoles na humayo at ipagpatuloy ang misyon Niya sa mundo, paano Niya pinalakas ang kanilang loob?


“Huwag kayong matakot sa mga tao. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag.” Mateo 10:26

B. Paghahawi

Pinalakas ni Hesus ang loob ng mga apostoles upang maipagpatuloy ang misyon Niya sa mundo. Ayon sa Kanya: walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Mas dapat matakot tayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Ang sinumang kumilala sa Kanya sa harap ng mga tao kikilalanin din Niya sa harap ng Kanyang Ama sa Langit.


C. Pagtatabas

Ano ang aking mga ikinakatakot? Saan ako humuhugot ng lakas para ipinapahayag ang misyon ni Hesus sa mundo?


D. Pagsasaayos

Hindi magiging madali ang daan sa paggawa ng kabutihan dahil maraming tao ang hahadlang sa atin o kaya tayo ay kanilang pagtatawanan. Minsan dahil sa tayo’y nahihiya na ipahayag ng ating pananampalataya, mismong sa pagtatanda ng krus, nililiitan lang natin para hindi ito makita ng iba.


Ang iba naman ay ginagamit ang mga sipi at taludtod (verse) na mula sa bibliya upang ipagtanggol ang mga ginagawa nilang mali at masama. Inilalagay pa ito sa social media upang magparinig o kaya ihayag ang sa tingin nila na makapagtatama sa maling ginagawa nila.


Huwag tayong matakot na gumawa ng tama dahil mas mahalaga tayo kaysa sa kahit sa anumang uri ng hayop sa paningin ng Diyos. Pangako ng Panginoon na Siya na mismo ang mag-iingat sa atin sa paggawa natin ng kabutihan. Humingi tayo ng tulong sa Kanya sa mga oras na tayo’y pinanghihinaan ng loob dahil hindi sang-ayon ang karamihan na gawin ang tama.


E. Pagdiriwang

Pagnilayan, ano ang sa tingin mo ang mali o kasalanan na ginagawa ng maraming tao kaya’t ikaw na mismo ay nahihirapan nang labanan ito?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________


29 views0 comments

Recent Posts

See All

Kommentare


bottom of page