🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Mga Tagapagbalita at Tagapagtayo ng Kaharian
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 9:36 – 10:8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang nakita ni Hesus ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Ito ang pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag na Pedro at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; sina Felipe at Bartolome; si Tomas, at si Mateo na publikano; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong makabayan at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Hesus.
Ang labindalawang ito’y sinugo ni Hesus at kanyang pinagbilinan: “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip ay hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad magbigay naman kayo nang walang bayad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
May mga gawain ka ba na alam na alam mong mas magiging madali kapag sa tulong ng kaibigan o kasama? Halimbawa, kung magbubuhat ka ng mga mabibigat na kahon, o kaya kung maglilinis ng bahay o ng classroom? Hindi ba mas matatapos ng maaga kung sama-sama kayo ng iyong mga kaklase? Maraming mahihirap na gawain ang mas napapadali kapag may kasama. Ganito rin ang ginawa ni Hesus! Alam Niya na napakalaki ng trabaho at misyon sa mundo kaya’t naghirang siya ng mga kasamang tutulong sa Kanya na maisakatuparan ito kahit wala na Siya sa mundo.
“Sagana ang anihin, ngunit kaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.” Mateo 9:37
B. Paghahawi
Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y litung-lito at hindi alam ang gagawin, parang mga tupang walang pastol. Kaya’y hinirang Niya ang labindalawang “natatanging mga alagad” at binigyan ng kapangyarihang magpagaling at magpalayas ng masasamang espiritu. Kasunod nito ang Kanyang bilin at hamon sa kanilang hanapin ang mga nawawalang tupa at mangaral sa nalalapit na pagdating ng kaharian ng Diyos.
C. Pagtatabas
Narinig mo na ba ang tawag ng Panginoon sa iyo? Ano ang tugon mo?
D. Pagsasaayos
May mga espesyal na tao na tinatawag upang maging pastol natin tulad ng mga apostoles ni Hesus. Sila ang mga relihiyoso at mga pari. Sila ang nangangalaga sa ating pangangailangang espirituwal. Kasama sa misyon ng mga pari ang pangungumpisal, pagpapahid ng banal na langis kung tayo ay may sakit, pagdarasal para sa ating pangangailangan at minsan pa nga ay tagapayo natin sa buhay.
Ngunit hindi lamang sila ang tinawag ng Panginoon para maglingkod. Maging tayo man na mga Kristiyano ay hinihikayat din na ipagpatuloy ang misyon ni Hesus sa mundo. Hindi hadlang ang ating edad o talento upang makapag-bahagi ng sarili sa simbahan. Ang iba sa atin pinipili na mag-serve sa simbahan bilang choir, sacristan o lector. Marami pang ibang ministries na maaari nating salihan upang maging mabuting tagasunod ni Hesus. Sa ating maliit na paraan ay makakatulong tayo sa kapwa, sa pamamagitan ng pag-aalay n panalangin, pagtulong sa mga gawaing simbahan o kaya sa pagsama sa pag-aayos ng pagkain para sa feeding program ng parokya. Maaari din nating gamitin ang ating mga social media account para mag-share ng mga bible verses o kaya mga prayers.
Hindi hadlang ang ating talento, talino at edad para makapag-lingkod at sundin ang hamon ni Hesus na maging tagapag-alaga ng tupa. Kaunti lang tayo sa mundo, makiisa at maging tagapag-hatid ng biyaya sa ating kapwa.
E. Pagdiriwang
Ipinagdarasal ko ba ang katapatan at sigasig sa pagiging masigasig sa misyon ng mga pari at relihiyoso? Ipanalangin at hihilingin natin sa Ama na magpadala pa sa atin ng marami pang bokasyon sa pagpapari, pagmamadre at mga pinunong maglilingkod.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
Comments