🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Eukaristiya: Pagkaing nagbubuklod sa atin kay Hesus at sa Kapwa
Ebanghelyo ngayong Linggo: Juan 6:51-58
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin inyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayun din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Ano ang madalas nating hinahanap kapag tayo ay pumupunta sa party? Hindi ba ang pagkain!? Hinahanap natin ang lumpia, ang lechon, barbecue, hotdog at cake! Minsan pa nga, kapag nasarapan tayo ng husto ay nag-uuwi pa tayo ng pagkain. Tuwang tuwa tayo kapag masarap ang handaan sa party. Ganito rin ba ang turing natin kapag tayo ay nagmimisa? Hindi ba tulad ng sa party ay hinahanap din natin ang pagkain? Sa Misa, ibang pagkain ang natatanggap natin, mas masustansya ito dahil ang binubusog nito ay ang ating kaluluwa.
“Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Juan 6:51
B. Paghahawi
Noong panahong iyon ay katatapos lamang ng himala ni Hesus sa pagpapakain ng limang libo. Naglakbay siya papuntang Capernaum kung saan siya nasundan ng maraming taong namangha sa Kanyang himala. Sinamantala Niya ang pagkakataong ito upang pangaralan sila tungkol sa “Tinapay na nagmumula sa Langit”.
Sa Banal na Misa, inaalala natin ang pag-alay ng buhay ni Jesus sa Krus. Sa bawat pagtanggap natin sa Kanyang katawan at dugo nagiging bukas tayo sa biyaya na walang hanggang buhay.
C. Pagtatabas
Gaano katibay ang paniniwala ko sa katotohanan ng sakramental na presensiya ni Hesus sa Eukaristiya? Paano ko ito pinatutunayan?
D. Pagsasaayos
Sa sipi ngayong linggo ng Ebanghelyo, dalawang bagay ang ipinapangaral sa atin ni Hesus
Ang pakikiisa Niya sa ating mga tumatanggap ng Kanyang katawan sa Eukaristiya. Sa Kanya pagkaing tutugon sa pagkagutom at pagkauhaw ng ating kaluluwa
Sa pagtanggap natin ng Tinapay ng buhay, nabubuklod tayo sa katawan ni Kristo dahil iisa ang tinapay, nagiging iisang katawan tayong lahat sa pakikibahagi natin sa iisang tinapay.
Ngunit hindi dito nagtatapos ang pakikiisa natin kay Hesus. Ano nga ba ang nagiging bunga nito sa ating buhay? Nagiging mabait at matulungin ba tayo sa lahat ng nanangailan? Hindi na ba tayo nagiging palasagot sa ating magulang? Ginagawa na ba natin ang tama kahit walang nakatingin at nakabantay? Nakikipagbati na ba tayo sa ating mga nakakaaway?
May kaakibat na hamon ang pagtanggap natin ng katawan at dugo ni Kristo: nararapat na maging tulad natin Siya! Sikapin natin na tayo ay maging mabuti at isabuhay natin ang Kanyang mga pangaral sa labas ng simbahan.
E. Pagdiriwang
Paano mo ipinapakita ang pagmamahal mo sa Panginoon? Paano ko pinasasalamatan si Hesus sa kaloob niyang Eukaristiya?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments