🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Ang Mapapalad: Ang Bukal ng Pag-asa at Isang Hamon
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 5:1-12
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito:
“Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
“Mapalad ang mga nahahapis sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”
“Mapalad ang mga mapagkumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.”
“Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.”
“Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.”
“Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.”
“Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.”
“Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
“Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Nakita mo na na ba ang #blessed sa social media? Karaniwan itong ginagamit sa mga post kung saan ipinapakita sa mga kaibigan o taga-follow ng iyong account na ikaw ay nabiyayaan ng isang magandang bagay o mamahaling bakasyon. Pwede rin itong gamitin para ipakita ang masasarap na pagkain na ating nabili o natanggap bilang regalo. Pero ito nga ba ang tunay na sukatan ng blessing o biyaya? Naku, parang salungat ito sa turo ni Hesus kung saan inilahad Niya sa kanyang sermon kung sino nga ba ang tunay na mapalad. Ano ano nga ba ang mga ito?
B. Paghahawi
“Nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad at sila’y tinuruan niya ng ganito…” Mateo 5:1-2
Pag-ugnay sa Ebanghelyo
Sinamantala ni Hesus ang pagkakataon na marami tagasunod ang naroon sa bundok upang ilahad ang listahan ng mga tinaguriang “mapapalad”. Ang mapapalad ay hango sa salitang Latin na “beautus/beati” na beatitudes sa wikang ingles. Ito ay sipi ng 8 patulang pahayag ng kabutihan at saloobing hindi pinahahalagahan ng mga taong makasarili.
C. Pagtatabas
Basahin at intindihin ang bawat linya ng mapapalad. Kabilang ba ako sa mga mapapalad ayon kay Hesus?
D. Pagsasaayos
Tila mahirap intindihin sa unang basa ang mga mapapalad ngunit kung susuriing mabuti ang bawat linya ay itinuturo nito ang kahalagahan ng kahinaan, kabababaang loob at paglingap sa kapwang nagdadalamhati at nangangilangan. Laging pinagpapala ang mga taong sumusunod kay Hesus at may pusong katulad Niya na malapit sa mga taong inaapi at hindi pinapansin ng lipunan.
Hindi lamang simpleng itinuro ni Hesus ang “mapapalad” sa Kanyang mga alagad. Isinabuhay Niya ito upang maipakita sa lahat ang labis na kahalagahan ng aral na ito. Tungkulin natin bilang mga Kristiyano na tulungan ang mga naisasantabi ng lipunan pagkat tulad nila, tayo’y magiging mapalad.
Sa pagsasabuhay ng mga nakatala sa mapapapalad ay lubos ang ating pagtanggap na hindi natin magagawa ang lahat ng ito kung hindi tayo lumilingap sa Diyos at mapagkumbabang humihingi ng paggabay at pagpapala niya hindi lang para sa ating sarili kundi para sa kapwa. Walang lugar sa kaharian ng Diyos ang taong mayabang at makasarili na ipinagmamalaki na kayang kaya nilang mabuhay sa kanilang sariling kakayanan
E. Pagdiriwang
Pagnilayan kung alin sa “Mapapalad” ang higit na nakapukaw sa iyo. Bakit? Alin sa “Mapapalad” ang naisasabuhay mo na sa ngayon? Ano naman ang pangunahing balakid sa pagsasabuhay ko ng mga ito?
I-download ang KatoLago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Mga pagninilay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Awit at Papuri Website
Comments