🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pangangalap ng Manggagawa para sa Kaharian
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 4:12-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Hesus na ibinilanggo si Juan, kaya’t bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan kundi sa Capernaum. Ang bayang ito ay nasa baybayin ng Lawa ng Galilea, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali. Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
“Ang lupain ng Zabulon at lupain ng Neftali
daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan,
Galilea ng mga Hentil!
Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman
sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw!
Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumatanglaw
sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!”
Magmula noon ay nangaral na si Hesus. Ang sabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos.”
Sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.
Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ng kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.
Nilibot ni Hesus ang buong Galilea. Nagtuturo sa mga sinagoga at ipinangangaral ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga tao sa kanilang mga sakit at karamdaman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Sino ang mag-aanyaya sayo na susundan mo kaagad? Kung sabihin ba sa iyo ng nanay o tatay mo, tara, alis tayo! Sasama ka ba kaagad? Paano kung kaibigan mo ang mag-aya sa'yong umalis? Ano ang mararamdaman mo? Magiging excited ka ba? Paano naman kung isang tao na hindi mo kilala? Anong gagawin mo? Ganito ang nangyari sa Ebanghelyo ngayon nang tawagin ni Hesus na sumama sa Kanya ang unang mga tagasunod. Ano ang sinabi niya at ang ano ang ginawa nila?
B. Paghahawi
“Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Mateo 4:19
Pag-ugnay sa Ebanghelyo
Pagkatapos ng binyag ni Hesus ay sinimulan na Niya ang Kanyang misyon sa “pagiging liwanag sa mundo”. Inanyayahan Niya ang mga unang apostoles na sumunod sa Kanya upang maging kasama Niya sa Kanyang misyon.
C. Pagtatabas
Sinu-sino ang mga unang Apostoles? Saan sila nakita ni Hesus? Ano ang trabaho nila?
Kung tatawagin ba ako ni Hesus, susunod ba ako kaagad?
D. Pagsasaayos
Napakalaki ng misyon ni Hesus sa mundo na hindi nagtatapos sa Kanyag pagkamatay sa Krus. Napakaraming tao pa rin ang hindi tumatahak sa landas patungo sa langit. Nais ni Hesus na tulungan natin Siya sa misyong ito. Sa Kanyang karunungan at pagtitiwala sa atin ay niloob Niyang ang lahat ay kasangkot dito. Inaanyayahan Niya ang mga tao na makiisa sa pagpapatupad ng Kanyang mga plano.
Tinatawag tayo ni Hesus na gumawa ng mabuti araw-araw. Tumutugon ba tayo kaagad o ipinagpapaliban natin ito? Minsan iniisip natin, naku napakarami pa nating ginagawa sa buhay, busy pa! Ang daming assignment, gawain sa bahay, at marami pang iba kaya't makapaghihintay ang paggawa ng kabutihan. Madaling ipikit ang mga mata sa mga maling bagay na nangyayari sa ating paligid lalo na kung hindi tayo direktang naapektuhan.
Hinihikayat tayo ni Hesus sa sumama sa Kanya. Sa mga simpleng gawain araw-araw ay magagampanan natin ang hamon Niya para sa kabutihan.
E. Pagdiriwang
Si Hesus ang liwanag ng aking buhay? Paano ko ipapasa ang liwanag ni Hesus sa iba? Paano ako manghihikayat ng ibang tao patungo sa Kanya?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Mga pagninilay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Awit at Papuri Website
Comments