🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Ang Pagbabagong Anyo ni Hesus: Pagsisiwalat, Propesiya at Paghamon
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 17:1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Ang mga alagad ay natakot nang gayun na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob. Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot.” At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus.
At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga’t hindi muli nabubuhay ang Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Naniniwala ka ba na di naiiwasan ang pagbabago? Dati mahilig ka maglaro ng manika o ng kotse-kotsehan; ngayon mas gusto mo na maglaro ng online games. Dati mahilig ka sa makukulay na damit… ngayon mas gusto mo na naka-puti ka palagi. Kahit na siguro ang mga kasama mo sa bahay ay may mga pagbabagong naganap. Napansin mo ba kung kailan nagaganap ang pagbabagong ito? Maaring dahan-dahan at minsan naman biglaan! Si Hesus man ay nagkaroon ng pagbabagong anyo na nasaksihan ng kanyang mga apostol.
“Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit.” Mateo 17:2
B. Paghahawi
Isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan sa bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus, nagningning at kumukutikutitap sa kaputian si Jesus, at narinig nila mula sa ulap ang boses ng Ama, “Ito ang aking Anak na hinirang, ang aking pinakamamahal, pakingan ninyo siya” ... At ng tumimgala sila ay wala na sila nakita kundi si Jesus.
C. Pagtatabas
Ano ang hiwatig para sa iyo ng pagbabagong anyo ni Hesus?
D. Pagsasaayos
Hindi naiiwasan ang pagbabago sa ating buhay. Minsan bunsod ito ng ating pagtanda o kaya ng panahon. Maaari rin na sanhi ito ng ibang pagbabago sa ating kapaligiran; mga taong dumadating at umaalis sa ating buhay. Sa mga pagbabagong nagaganap sa iyong sarili, anu-ano ang patungo sa kabutihan at alin naman ang nagdulot ng kasalanan? May mga bagay ba tayong nagagawa ngayon na hinding hindi natin magagawa noon? Ito ba ay hudyat o paghahanda para sa ikagaganda ng buhay natin sa hinaharap?
Maging si Hesus ay nagbagong anyo sa harap ng kanyang mga apostoles. Pahiwatig ito ng kaluwalhatiang naghihintay sa ating lahat sa buhay na walang hanggan. Sa pagpapakita ni Moises at Elias ay ipinapahiwatig na si Hesus na ang kaganapan ng propesiya bilang pagdating ng Manliligtas.
Ikaw, nakikilala mo ba si Hesus bilang iyong Manliligtas? Paano ka Niya inililigtas sa kasalanan?
E. Pagdiriwang
Isipin kung ang mga pagbabago sa inyong buhay ay magtutungo sa kaligtasan.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments