top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Aug 27 | Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon

🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Si Pedro ang Matibay na Bato


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 16:13-20


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” At mahigpit niyang tinagubilinan ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya ang Kristo.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Nakakita ka na ba ng itinatayong bahay? Yung nasubaybayan mo mula sa umpisa na lupa pa lang ito? Nasaksihan mo ba kung paanong hinukay ang lupa at ibaon ang mga bakal at binuhusan ng semento? Ito ang pundasyon ng bahay o ng gusaling itinatayo. Ginagawa ito para maging lubos na matatag ang bahay o gusali at hindi basta bastang mabuwag sa lindol, tangayin ng hangin o magiba sa malakas na ulan. Nakabaon sa bato ang struktura. Ganito rin inilarawan ni Hesus si Pedro sa Ebanghelyo ngayon. Ano nga ba ang ibig sabihin at kaugnayan sa ating simbahan ngayon?


“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” Mt 16:18

B. Paghahawi

Tinanong ni Hesus ang Kanyang mga alagad, “Sino ako?” Sinagot siya ni Pedro na si Hesus ang Kristo, ang Tagapagligtas na Anak ng Diyos! Dahil dito tinawag si Pedro na bato ng simbahan.


C. Pagtatabas

Kilala ko ba ng lubusan si Jesus? Maipapahayag ko ba sa iba ang pagkilala ko sa Kanya? Magagawa ko ba ito ng walang takot at pag-aalinlangan?


D. Pagsasaayos

Naging mapalad si Simon Pedro sa pagsagot niya kay Jesus. Ang pagkilala bilang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay ay nagbunga ng pagtiwala sa kanya ni Jesus. Ipinakatiwala ni Jesus ang pamumuno sa simbahang itinayo Niya. Pagnilayan kung nakikilala ba natin si Hesus na tunay na tagapagligtas ng ating buhay.


Isang mahalagang taludtod sa sipi ngayong linggo ang pagsasabi ni Hesus na “hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” Hindi lamang tumitigil ang paglilingkod ni Simon Pedro sa labindalawang apostoles ngunit nagpapatuloy magpasahanggang ngayon. At mula sa kanya ay bumababa ang tungkulin ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa Santo Papa, mga obispo, pari at maging sa ating mga ordinaryong mamamayan. Hinahamon tayo ni Hesus na ipamahagi ang Kanyang pagmamahal sa lahat ng tao.


E. Pagdiriwang

Kilalanin natin ng lubos si Jesus sa pamamagitan ng pagbabasa ng kanyang mga turo na matutunghayan natin sa Banal na Bibliya. Tulad ni Pedro, magiging mapalad din nawa tayo.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________


66 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page