top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Aug 20 | Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon

🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Nakakasaklaw na Pag-ibig ng Diyos


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 15:21-28


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, si Hesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Cananeang naninirahan doon at malakas na sinabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.” Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus. At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kaniya, “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.” Sumagot si Hesus, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di’y gumaling ang kanyang anak.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Miyembro ka ba ng isang club sa school? Sa mga mahilig gumuhit at magpinta, sumasali sila sa art club, ang mga mahilig naman sa numero ay sumasali naman sa math club… ang iba naman sa basketball team o sa banda ng school. Natatangi ang mga miyembro na ito sa pagsasanay ng kanilang mga hilig. Pinapalalim ng mga mentor at kasama ang kaalaman ng bawat isa sa kani-kanilang programa. Pero paano kung may gustong makinabang na labas sa inyong club? Halimbawa, hindi naman miyembro ng art club pero gustong sumali sa inyong art show? O kaya hindi naman miyembro ng dance club pero nagpupumilit sumali sa isang dance number ninyo? Ano ang mararamdaman at gagawin mo? Ganito rin ang nangyari kay Hesus nang lapitan siya ng isang babaeng pagano na humihiling na mapagaling ang kanyang anak.


Sinabi ni Hesus, "Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Mt 15:26-27

B. Paghahawi

May isang Caneneang babae ang na lubos na sumasampalatayang mapapagaling ng ang ating Panginoon ang kanyang anak na babae na pinahihirapan ng isang demonyo. Sa una ay hindi siya pinapansin ni Hesus ngunit dahil sa kanyang pagpupumilit ay pinagbigyan din.


C. Pagtatabas

Hindi inalintana ng isang ina na lumapit sa ating Panginoon kahit pinaaalis siya sa kumpol ng mga taong nasa paligid ng Panginoon. Pagmamahal ng isang ina at taimtim na paniniwala sa Panginoon ang magpapatotoo na gagaling nga ang kanyang anak.


D. Pagsasaayos

Ang mga biyaya ng Panginoon ay para sa lahat ng tao sa mundo at hindi eksklusibo sa iilan lamang. Bagamat tila sa Ebanghelyo ngayon ay sinabi ni Hesus na ‘para sa nawawalang tupa lang ng Israel’ lamang Siya sinugo makikita na saklaw ng Kanyang kapangyarihan ang mga taong may malalim na pananampalataya, saan man sila nagmula.


Pinagpala ang mga taong bininyagang Kristiyano dahil na sa atin na ang grasya ng Diyos. Kabilang na tayo sa Kanyang lipi. Mabilis Niyang naririnig ang ating mga panalangin! Ngunit taos puso ba tayong naniniwala na didinggin niya ang ating mga panalangin? Handa ba tayong tanggapin ang mga grasyang Kanyang ibibigay sa atin? Taimtim pa rin ba tayong nagdadasal at gumagalaw upang maisakatuparan ang ating mga panalangin.


E. Pagdiriwang

Ano ang ating ipinagdadasal at hiling ngayon Kay Hesus? Ano ang mga konkretong hakbang ang ating ginagawa kaakibat ng ating panalangin? Tayo ba ay naghihintay lamang na tuparin ang ating panalangin?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________


48 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page