🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Kapanatagan sa Mapagkalingang Pagmamahal ng Diyos
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 14:22-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, matapos pakainin ang mga tao, agad pinakasakay ni Hesus sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo samantalang pinauuwi niya ang mga tao. Pagkaalis ng mga ito, umahon siya sa burol upang manalangin. Nag-iisa siyang inabot doon ng gabi. Samantala, nasa laot na noon ang bangka at sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin. At nang madaling araw na’y sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. “Bakit ka nag-alinlangan?” Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin. At sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay na kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Lahat tayo ay may kinatatakutan. Ang iba siguro takot sa ipis o gagamba… ang iba naman siguro ay exam o pagsusulit sa school… ang iba naman ay sa multo. Ano ang ginagawa natin kung tayo ay natatakot? Tumatakbo? Umiiyak? Natitigilan at hindi makagalaw? O kaya nagdadasal? Ang mga apostoles man ni Hesus ay natatakot sa maraming bagay.
"Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. Bakit ka nag-alinlangan?” Mt 14:28-31
B. Paghahawi
Sa pagsunod ni Pedro kay Jesus sa paglakad sa tubig, siya ay natakot at unti-unti lumubog. Sinabi sa kanya ni Jesus: “bakit ka nag-alinlangan?”
C. Pagtatabas
Mayroon ba akong mga pag-aalinlangan at takot sa aking buhay?
D. Pagsasaayos
Marami tayong kinatatakutang bagay. Ang mga apostoles man ni Hesus na kasama na niya sa Kanyang misyon ay nakaramdam ng maraming nakakatakot sa bagay: Noong liliman sila ng ulap sa bundok ng Tabor kung saan nagbagong anyo si Hesus… noong magdidilim na at napakarami pang tao na hindi nila mapapakain… at sa sipi ngayong linggo kung saan natakot sila kay Hesus na napagkamalian nilang multo na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Si Pedro man na tinawag na ni Hesus upang lumakad sa ibabaw ng tubig ay nabalot ng takot at lumubog.
Kung tayo ay mababalot ng takot, hinihikayat tayo ni Hesus na kumapit sa Kanya. Huwag tayong mawawalan ng pananalig bagkus lalong kumapit sa Kanya. Hindi man natin Siya nakikita ay gumagawa Siya ng paraan upang malagpasan natin ang lahat ng ating suliranin at sa tulong ng Espiritu Santo ay pinalalakas ang ating loob.
Sa paglalakbay tungo sa buhay na walang-hanggan, marami tayong mararanasang mga nakakatakot na bagay. Hindi lahat maiintindihan ang gawain para sa kabutihan. Maging mga mahal natin sa buhay ay maaaring maging balakid na magawa natin ang tama sa mata ng Panginoon. Tibayan natin ang ating loob ay ipagdasal na maipagpatuloy natin ang ating misyon gaano man ito kahirap lalo na kung tila nawawalan na tayo ng pag-asa. Nariyan lang si Hesus sa ating tabi, handang abutin ang ating kamay upang Siya’y makapitan.
E. Pagdiriwang
Pagnilayan ang mga bagay na ikinatatakot natin sa pagsusulong ng misyon ni Hesus sa ating buhay. Humingi tayo ng tulong at gabay mula sa Espiritu Santo upang mapalakas ang ating loob.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments