top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Abr 30 | Ika-4 na Linggo ng Muling Pagkabuhay


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Si Hesus ang Mapagkalingang Pastol at Pintuan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Juan 10:1-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya’y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga’y patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig.”


Sinabi ni Hesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.


Kaya’t muling sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay – isang buhay na ganap at kasiya-siya.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Kilala natin ang mga boses ng ating mga malapit sa ating buhay. Kahit hindi natin sila nakikita, boses pa lang ay alam natin kung si nanay, si tatay o mga kapatid natin ang tumatawag sa atin. Kung sila ay may i-uutos o ibibilin sa iyo, hindi na nila kailangang magpakita sa iyo, pwedeng nasa ibang kuwarto sila, basta’t naririnig natin sila, ok na. Sinasabi ni Hesus sa Ebanghelyo ngayong linggo na Siya ang Mabuting Pastol. Sa Kanyang tinig pa lamang ay sumusod na ang mga tupa. Ngunit hindi lang yon ang talinghaga sa kuwento Niya, sinabi Niya rin na siya ang Pintuan.


B. Paghahawi

“Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. “ Juan 10:7-8


Pag-uugnay sa Ebanghelyo

Ikinuwento ni Hesus ang dalawang talinghaga. Sa unang talinghaga, inihambing ni Hesus ang sarili Niya sa Mabuting Pastol na pumapasok sa pinto na di tulad ng magnanakaw na umaakyat sa di tamang daanan. Nakikila ng mga tupa ang boses ng pastol at sila’y sumusunod sa Kanya. Ikalawa, inilarawan ni Hesus ang Kanyang sarili bilang pintuan. Sinabi Niya na sinumang susundod sa Kanya ay maliligtas.


C. Pagtatabas

Nakikilala ko ba ang tinig ni Hesus kapag tayo’y Kanyang kinakausap? Kasama ba ako sa kawan Niya? Nagtitiwala’t handa ba tayong sumunod kay Hesus, bilang tagapagligtas?

D. Pagsasaayos

Pamilyar sa ating ang bansag na “Mabuting Pastol” ngunit hindi gaanong kasikatan ang “Pintuan ng Kulungan”. Bakit nga ba inihambing ni Hesus ang sarili Niya ng ganon? Iisa lamang ang pintuan ng kural o ng kawan ng mga tupa. Kung ang mga tupa ay nasa damuhan upang kumain sa buong araw, sa iisang pintuang iyon sila papasok sa gabi upang maging ligtas sa panganib at mababangis na hayop. Gayon din naman si Hesus bilang Pintuan ng Kaligtasan. Tayo ay pumapasok sa simbahan sa pamamagitan Niya, tayo’y nagsusumikap na gumawa ng kabutihan sa kapwa sa pamamagitan Niya. Kung wala Siya ay hindi natin alam kung paano tayo makakapasok sa langit.


Pero paano natin maririnig ang boses Niya lalo na’t hindi na natin Siya nakikita? Una, kailangan natin magsimba. Sa ating pagsisimba ay naririnig natin ang Kanyang mensahe para sa atin at sinasariwa din natin ang dakilang sakripisyo Niya para sa ating kaligtasan. Pangalawa, tayo ay dapat nagdadasal. At sa ating pagdadasal, dapat handa rin tayong manahimik at makinig sa para sa gabay Niya. Ikatlo, tayo’y likas na makasalanan. Ugaliin natin na tumanggap ng sakramento ng kumpisal upang makipag-kasundo sa ating Ama.


E. Pagdiriwang

Sa paanong paraan ko naririnig ang boses ni Hesus bilang pastol ng aking buhay? Magsimba at pumunta sa adoration chapel ng inyong simabahan. Subukang magdasal sa katahimikan at pakinggan ang sasabihin Niya.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________



34 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page