top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Abr 23 | Ika-3 Linggo ng Muling Pagkabuhay



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Daan Patungong Emaus


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 24, 13:35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang Linggo ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon.” “Anong mga bagay?” tanong niya. At sumagot sila, “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.”

Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.

Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila, “Tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala. At nawika nila, “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”

Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

#blessed#sanaol. Yan ang karaniwang sinasabi o nakikita natin sa social media kung may kakilala tayong may bagong mamahaling laruan, bagong gadget o kaya kumain sa masarap na restaurant. Sa kabilang dako, kung may nangyaring di kanais-nais sa ating kaaway, minsan naiisip natin… “ah, yan ang nangyayari kasi madamot siya sa laruan…”


Sadyang ganyan tayo mag-isip minsan, ang mga mabubuting bagay ay nangyayari sa mabubuting tao at ang mga di kanais-nais naman ay sa mga masasama. Naku! Paano naman ang mga taong nagiging biktima ng kasamaan? Naglipana ang kasamaan ang kasalanan sa mundo, kaya’t hindi natin lubusang naiintindihan ang mga nangyayari sa ating paligid lalo na kung hindi ito kagandahan. Paano nga ba natin makikita ang plano ng Diyos kung tayo ay lubos na nalulungkot o tayo ay nasa gitna ng trahedya?


B. Paghahawi

“Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” Lucas 24:25-26


Pag-uugnay sa Ebanghelyo

Ang mga disipulo ni Hesus ay nalulungkot habang nag-uusap patungong Emaus. Hindi sila makapaniwala sa mga nangyari kay Hesus. Hindi nila namukhaan na ang kanilang kalakbay ay si Hesus na nga na muling nabuhay! Sinabihan man sila ni Hesus na mga hangal at pinangaralan tungkol sa mga sinasabi ng mga propeta ay hindi pa rin naliwanagan ang kanilang mga mata bagkus, balot pa rin ng takot at kalungkutan ang kanilang puso at isipan.


C. Pagtatabas

Sino ang lalaking sumabay sa dalawang alagad ni Hesus patungong Emaus? Ano ang pinag-uusapan nila?

Kung sasamahan ba tayo ni Hesus sa ating paglalakbay, makikilala ba natin Siya? Ang mga mabubuti lang ba ang nabibigyan ng pagpapala? May pagpapala ba sa mga hindi magagandang pangyayari sa ating buhay?

D. Pagsasaayos

Karaniwan, hindi natin nakikita ang mga plano ng Diyos para sa ating lahat, ang ating mga pinagdadaanan, hindi man kaaya-aya ay may kahahatungan na maganda para sa ating buhay. Ang Panginoon ay laging nasa ating piling, hindi man natin Siya namumukhaan. Maaaring Siya ang taong ating tinulungan, o Siya ay nagpapadala ng mga taong upang tayo ay damayan.


Ang mga pagsubok na dumadating sa ating buhay ay hindi nangangahuluigang nanggaling sa kasamaan, minsan ito ay may kalakip na aral para sa atin na kung sakaling malalampasan o mapagtatagumpayan ay magiging sanhi ng tibay ng ating loob at kaginhawaan.


E. Pagdiriwang

Naharap na ba ako sa isang sitwasyong tulad ng sa dalawang alagad ng Emaus? Ano ang muling nagpasigla ng aking pananampalataya? Pagnilayan at gumawa ng panalangin na humingi ng tulong sa Panginoon na makilala Siya sa iba’t ibang situwasyon natin sa buhay.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________



42 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page