Iniaalay nating mga Katoliko ang buwan ng Setyembre sa Nagdadalamhating Inang Maria, Our Lady of Sorrows o Mater Dolorosa. Mapapansin sa mga imahe ng Nagdadalamhating Inang Maria ang pitong punyal o espada na nakatusok sa kanyang puso na simbolo ng mga malulungkot na kaganapan sa kanyang buhay kaugnay kay Hesus.
Narito ang pitong malulungkot at masasasakit na pangyayari sa buhay ni Inang Maria:
1. Ang Propesiya ni Simeon sa sanggol na si Hesus (Lukas 2:34-35)
Nang iharap nina Maria at Jose si Hesus sa templo ay sinabihan ni Simeon si Maria ng ganito:
“Ang batang ito ay itinalaga para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel at pinakatanda na sasalungatin, at tatagos ang isang tabak sa iyong sariling kaluluwa upang mahayag ang iniisip ng marami.” Lucas 2:34-35
2. Ang Pagtakas Patungong Ehipto ng Banal na Mag-Anak (Mateo 2:13)
Kailangang lumikas nina Maria at Jose kasama ang sanggol na si Jesus upang makatakas mula sa utos ni Haring Herodes sa pagpatay ng lahat ng sanggol na lalaki sa Betlehem at karatig pook.
3. Ang Pagkawala ng Batang Hesus ng Tatlong Araw (Lukas 2:43)
Nang pauwi na sina Maria at Jose mula sa Jerusalem ay hindi nila napansing nanatili sa templo si Hesus. Tatlong araw Siyang hinanap bago matagpuang nagtuturo sa templo.
4. ng Pagkasalubong ni Jesus at Maria sa Daan ng Krus (Lukas 23:27-29)
Nagkita silang mag-ina habang patungo si Hesus sa Kalbaryo.
5. Ang Pagkamatay ni Hesus sa Krus (Juan 19:25)
Nasaksihan ni Maria ang sakit ng pagpako at kamatayan ni Hesus sa krus habang siya’y nakatayo sa Kanyang paanan.
6. Ang Pagbababa Mula sa Krus kay Hesus, kung saan kinalong ni Maria ang bangkay ni Hesus (Mateo 27:57)
Makalipas ang ilang oras ay ibinaba na si Hesus mula sa Kanyang pagkakapako sa krus. Kalong kalong ni Maria ang Kanyang walang buhay na katawan at lubos na tumangis para sa Kanya
7. Ang Paglilibing kay Hesus (Juan 19:40)
Naranasan ni Maria ang kalungkutan ng paghimlaysa kanyang Anak sa libingan.
Ipinapaalala sa atin ngayong buwan ng Setyembre na pagnilayan ang pananampalataya, tapang at pagtitiis ni Maria sa harap ng matinding pagdurusa. Ang debosyong ito ay paanyaya upang humingi ng tulong at kapanatagan mula kay Maria na sa kabila ng kanyang sariling mga pagsubok ay hindi nagmaliw sa kanyang pananampalataya at pasunod sa plano at kagustuhan ng Diyos.
🙏 PANALANGIN SA MAHAL NA NAGDADALAMHATING INANG MARIA
† O maawaing Ina ng Panginoon, Birheng natigib ng lumbay at kapighatian, nagpapakababa kami ngayon sa aming pagkakaluhod dito sa harap mo. Isinasamo namin sa iyo na kami ay tulungan mo, at hilumin tuwina ang aming mga puso. Nawa ay matutuhan naming alalahanin ang hirap na tiniis ng Anak mong si Hesus sa Kanyang pagkakapako sa krus, at ang hapis na tiniis mo, sapagkat dinamayan mo Siya sa Kaniyang mahal na Pasyon. Hingin mo sa iyong Anak na kami ay mabuhay at mamatay sa kabanalan, at madinig ang aming panalanging idinudulog sa’yo [banggitin ang kahilingan], kung ito ay para sa ikapupuri ninyong mag-ina, at sa ikagagaling ng mga kaluluwa namin. Amen.
Comments