Isinulat ni Jolina Armenta
Tuwing sasapit ang linggo, masayang gumigising ang mga bata at kumakatok sa pinto.
"Ate, may KatoLago po ba tayo ngayon?".
Nakakatuwang marinig sa mga bata na sila mismo ang nagpapaalala sa'yo na may dapat silang matutunan sa araw na iyon na nagdadala ng pag-asa sa gitna ng hinaharap na pandemya.
Ako nga pala si Jolina, isang katekista ng San Lorenzo Ruiz Parish. Nakatira ako sa Sanlo Creekside kung saan ang mga bahay ay dikit-dikit, masikip ang lakaran, walang mapaglalaruan o di kaya’y mapupuwestuhan kung nais mong magturo para sa Simbahan.
Pero hindi naging hadlang sa mga bata ang ganitong sitwasyon. Wala man silang lugar, walang internet at walang gadget. Mas nanaig ang kagustuhan nilang matuto at malaman ang Ebanghelyo mula sa araw na iyon na may kaakibat na pagninilay mula kina Father at Sister.
Habang pinagmamasdan ko ang mga bata na tutok sa panoood at pakikinig, natutuwa ako na sa murang edad ay minamahal nila ang Panginoon na nagbibigay sa kanila ng magagandang aral at nagtuturo sa kanilang magmahal sa pamilya at sa kapwa.
Pagkatapos manood ay kinuha na nila ang kanilang krayola at lapis para sagutan ang worksheet na inihanda upang mas maintindihan nila kung paano isasabuhay ang mga aral na kanilang napakinggan mula sa Ebanghelyo.
Tuwang-tuwa silang sumasagot na kahit na magkakalayo at naka-facemask ay kitang-kita mo sa mga mata nila ang saya na hatid ng KatoLago.
Mahigit isang taon na tayong naka-lockdown. Mahigit isang taon na ring hindi nakakapunta sa Simbahan ang mga bata. Kaya ako nag-volunteer.
Tulungan natin na mapalapit ang mga bata sa Panginoon. Tayo mismo ang magdala sa kanila ng Ebanghelyo nang sa gayon pagkatapos ng lockdown na ito, sa Simbahan sila dumiresto.
" Let the little children come to me. Don't stop them, because the kingdom of heaven belong to people such as these". Matthew 19:14
Comentarios