top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Ang Banal na Santatlo: Ang Bukal at Katuparan ng lahat ng Pag-Ibig

Updated: May 22, 2024

May 26 |  Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo

📖 Pagbasa: Mateo 28:16-20 


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, ang labing-isang alagad ay nagpunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Hesus. Nang makita nila si Hesus, siya’y sinamba nila, bagamat may ilang nag-alinlangan. Lumapit si Hesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Pagmamasid

Napansin mo na ba ang iba’t ibang anyo ng tubig? Sa natural na anyo ng tubig ito ay likido. Kung ito naman ay inilagay natin sa freezer, ito ay titigas at magiging yelo! Kung iiwan naman natin ito sa bahagyang initan mapapansin natin na ang mga basang bagay tulad ng damit na nilabhan ay matutuyo. Ang tubig na nasa damit ay sumingaw at naging hangin. Mag-iba iba man ito ng anyo, ito ay tubig pa rin. Ito ang pinaka-payak o simpleng paghahambing sa tatlong persona ng Diyos. Sa bawat persona o anyo nila ay  may kakaiba at natatangi silang pagkilos sa ating lahat. Ano nga ba ang kahalagahan nito para sa ating buhay?  


Paghahawi

Pumunta sa Galilea ang labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Jesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa. Ang Kanyang bilin…


“Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” Mateo 28:19-20

Pagtatabas

Ano ang pagkakaiba ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo sa aking buhay? Paano ko sila nararamdaman?


Pagsasaayos

Ang pundasyon ng ating pagiging Katoliko at Kristiyano ay ang paniniwala natin sa Banal na Santatlo. Bukod sa paghahalintulad sa tubig na nabanggit sa ating ‘Pagmamasid’, marahil mauunawaan natin ang Banal na Santatlo kung ihahambing natin ang Diyos sa isang lalaking may asawa’t anak. Ang lalaking ito ay asawa at kabiyak ng isang babae; Siya’y isa ring tatay para sa kanyang anak at siya’y anak para sa kanyang mga magulang. Ang lalaking ito ay may iba’t ibang katauhan ngunit siya’y nag-iisang tao. 


Ano nga ba ang natatanging handog ng bawat persona ng Diyos para sa atin?

Ang Diyos Ama ay ang Lumikha, Panginoon Magpakailanman at nakababatid ng lahat. 

Ang Diyos Anak ang Tagapagligtas ng sanlibutan, Banal na Aral at Hari ng Sansinukob.

Ang Diyos Espiritu Santo ang Gabay, Nagbibigay lakas ay kapangyarihan, Pagpapayo at Tulong. 


Maaaring mahirap unawain ang konsepto ng pagkakaroon ng tatlong persona sa iisang Diyos at hindi natin ito lubusang maiintindihan. Ito ang kagandahan ng misteryo na hatid ng paniniwala natin sa Panginoong Diyos. Binibigyan tayo nito ng puwang upang lubos na kilalanin at mapalalim ang ating pakikipag-ugnayan at pagsasabuhay ng mga turo, bunga at paggabay Nila sa ating buhay! 


Pagdiriwang

Pagnilayan: Paano ko pinapalalim at pinagyayaman ang aking buhay sa pamamagitan ng paniniwala sa Banal na Santatlo? Paano ko Sila pinahahalagahan at pinasasalamatan?


Manalangin tayo…

+ Walang hangga’t makapangyarihang Diyos: Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Iyo kami nagmula, sa Iyo kami nabubuhay, at sa Iyo kami patutungo. Tanggapin Mo nawa kami sa kabila ng aming pagiging di-karapat-dapat, at tulutan Mo kaming makibahagi sa buhay Mo magpakailanman. Amen! 


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 



Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________



101 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page